Sagip

Restored films, libreng ipapalabas sa UP Film Institute

April 29, 2023 Ian F. Fariñas 221 views

Nagbalik ang ABS-CBN Film Restoration sa pagpapalabas ng mga restored classic sa UP Film Institute noong Abril 22 para sa theatrical premiere ng 1950 LVN classic na Mutya ng Pasig.

Hango sa musika ni Nicanor Abelardo ito ay isa lamang sa mga pelikulang nakaligtas sa pagkasira noong 1950s. Ito ay manu-manong ni-restore sa 4k resolusyon sa loob ng higit 120 oras sa ABS-CBN.

“Naswertuhan po namin ang Mutya ng Pasig dahil hindi maraming pelikula ang nag-survive during this time. After the manual restoration, this probably is the clearest it has looked in 70 years, mas malinaw pa siya ngayon kesa noong una siyang ipinalabas,” sabi ni ABS-CBN Film Restoration and Archives head Leo Katigbak.

Ang supernatural melodrama ay umiikot sa kwento ni Mercedes (Rebecca Gonzales) at ng kanyang sanggol matapos palayasin ni Dr. Modesto (Jose Padilla Jr.) batay sa kahina-hinalang tsismis.

Pagkatapos habulin ng aso ni Modesto, nalunod si Mercedes sa ilog Pasig habang ang sanggol ay nabuhay at lumaki bilang ang magandang si Consuelo (Delia Razon), na tulad ng ina ay kokoronahan bilang Mutya ng Pasig.

Dahil sa isang hindi magandang pangyayari, dinala si Consuelo kay Dr. Modesto para gamutin at doon niya nalaman na siya pala ang nawawalang anak.

Libreng mapapanood ang iba pang LVN classics sa UPFI Film Center ngayong buwan katulad ng Triplets (4 p.m.) sa May 5, Anak Dalita (2 p.m.) sa May 6, Sandata at Pangako (5 at 4 p.m.) sa May 6 at May 16, pati ang Mutya ng Pasig (4 p.m.) sa May 10.

AUTHOR PROFILE