Hontiveros Sen. Risa Hontiveros

Risa: Alice Guo hearing hindi diskriminasyon vs mga Tsino

May 27, 2024 PS Jun M. Sarmiento 117 views

WALANG katotohanan na ang imbestigasyon kaugnay ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay direktang atake para sa mga kapatid na Tsino na naririto sa Pilipinas.

Ito ang niliwanag ni Sen. Risa Hontiveros na nagsabing mismo ang kanyang lola sa tuhod ay purong Intsik at wala umanong dahilan para gawin niya ito dahil siya mismo ay may dugong Tsino.

Pinabulaanan ni Hontiveros ang alegasyon na pine-personal at tinitira diumano ang mga Tsino sa bansa. Nilinaw niya na ang ginagawang imbestigasyon ay bunga ng mga krimen na ginawa ng umano’y mga kasosyo ni Guo na nadiskubre dahil sa isinagawang raid sa Philippine offshore gaming operation (POGO) kasama ang ilang kawani ng gobyerno.

“This is not an attack on Filipinos of Chinese heritage. My own maternal great-grandmother was pure Chinese. The revelations about Mayor Alice Guo came out after evidence of her complicity in POGO-related crimes. At ang ibang ebidensya galing mismo sa kanyang mga salita,” ani Hontiveros.

Binanggit din ni Hontiveros ang iba-ibang mga ebidensya na nakalap ng kanyang komite matapos isagawa ang raid, kung saan ay nakita, kasama ng iba pang otoridad, ang napakaraming ebidensya na naguugnay sa mga ito sa human trafficking at iba-ibang scam na isinasagawa sa loob ng compound ni Guo at ng kanyang mga diumano’y kasosyo.

“Marami ng ebidensya ang nalikom laban sa mga POGO sa huling walong hearing ng aking komite. Among these is the proliferation of fake identification documents, from PhilHealth IDs to passports. This just shows how Chinese POGO syndicates have managed to obtain fraudulent Filipino identities through corrupt individuals in our government agencies. At ang malala kay Mayor Guo, she is a public servant,” giit ni Hontiveros.

Para sa senadora, dapat maintindihan na ang krimen umano ng mga ito ay hindi dapat iniuugnay sa mga gawa-gawang kuwento na ito ay laban sa mga Tsino, kundi ito’y laban sa iba’t ibang krimen na kanilang ginagawa sa bansa na nakakasira sa imahe nito.

“Huwag din nating kalimutan na ang POGO sa munisipalidad ni Mayor ay may diumanong hacking at surveillance activities. Considering China’s aggressive influence operations around the world, it would be remiss of the Senate not to look into this angle. Marami pang gustong ibunyag ang ilang government agencies tungkol sa POGOs, na kanilang gagawin sa executive session bago ang susunod na public hearing,” ani Hontiveros, na nilinawa na walang katotohanan ang mga paratang na diskriminasyon.

Hindi rin aniya makatuwiran na gamitin ang bagay na ito upang lagyan ng masamang kahulugan ang imbestigasyon, sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring mag-ugat sa posibleng pagkakahati-hati ng mga Pilipino at mga Chinoy na kababayan.

“Sa gitna ng lahat ng ito, inuulit ko ang paalala ko na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang racism, xenophobia at Sinophobia. Regardless of our heritage, all law-abiding citizens should not be the subject of hate and discrimination. This is not a witch hunt. This is not about politics. This is about national security, criminal activities, accountability in public service, the rights and welfare of women and children, and the structural failure of our system to regulate POGO as a business model,” paglalahad ni Hontiveros, ang chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality.