Aghon Source: Coast Guard District Southern Tagalog

5 patay, 5 sugatan sa hagupit ni Aghon

May 27, 2024 Zaida I. Delos Reyes 75 views

LIMA katao ang naiulat na nasawi habang lima pa ang nasugatan sa pananalasa ng bagyong Aghon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD) patuloy nilang biniberipika ang ulat na lima na ang nasawi dahil sa hagupit ni Aghon sa Region 4A at Region 10.

Sa ulat naman ng Philippine National Police (PNP), tatlo sa mga nasawi ay mula sa Quezon province.

Isa sa mga ito ay ang 14- anyos na si John na nabagsakan ng puno ng buli sa Lucena City.

Patay din ang 50-anyos na si Marcelino Estolino makaraang madaganan ng puno ng acacia ang kanilang bahay sa Tiaong , Quezon.

Sa Padre Burgos naman, nalunod ang pitong-buwang gulang na sanggol nang hampasin ng malalaking alon ang kanilang bahay.

Ang bangkay ng sanggol ay natagpuan sa Barangay Ilayang Polo sa bayan ng Pagbilao.

Batay sa ulat ng Provincial Social Welfare and Development Office, nasa 3,172 katao mula sa 779 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa probinsya.

Umabot dinsa 174 bahay ang naiulat na partially damaged at 17 ang totally damaged sa 49 barangays na sinalanta ng bagyo.

Limang tao din ang naiulat na nasugatan , isa mula sa Calabarzon at apat mula sa Bicol Region.

STATE OF CALAMITY SA LUCENA CITY

Isinailalim naman sa State of Calamity ang Lucena City dahil sa malalang pinsalang dulot ng bagyong Aghon.

Ayon kay Office of Civil Defense o OCD – Calabarzon spokesperson Randy del Paz, nalubog sa baha mga lugar kung saan umabot hanggang bubong ang tubig sa ilang mga barangay.

May mga insidente rin aniyang lumipad ang bubong ng mga bahay at nasira ang kontador ng tubig dahil sa baha.

Batay sa tala ng Lucena City Public Information Office , umabot sa 1,250 pamilya o 5,607 indibidwal ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa mga barangay hall at eskwelahan.

Ang paglalagay sa State of Calamity ng isang lugar ay ginagawa upang magamit ang pondo para agad na matulungan ang mga apektadong residente gayundin upang makontrol ang pagtaas ng presyo ng bilihin.