Zombabe

Direk Bobby, na-excite sa tambalang KimPoy

January 6, 2024 People's Tonight 206 views

Maraming pelikula na ang nagawa ng writer-director na si Bobby Bonifacio mula nang mag-umpisa siyang mag-direct noong 2003.

Ang horror-comedy na My ZomBabe ang unang pelikula na pinitch ng director sa Viva noong 2018.

“May mga inayos sa materyal at nang mag-uumpisa na sana kaming mag-shoot, pumalo naman ang pandemic,” sabi ni Direk Bobby.

“Blessing in disguise pa rin sa amin dahil naiayos pa namin ang script to fit real situations. Finally, after almost five years, maipapalabas na namin ang pelikula,” aniya pa.

Maraming pinagdaanan ang movie matapos mapili si Empoy Marquez bilang bida sa pelikula.

“Nang i-present ko ang concept ng My ZomBabe before, pang-Empoy talaga ang male character,” sabi ni Direk Bobby.

“Kaya masaya ako dahil nang i-pitch ko sa Viva ang project, nag-agree agad sila. Laking pasasalamat ko na tinanggap ni Empoy ang project.”

Interesado sa zombies ang direktor kaya ni-revive niya ang pagbabalik ng zombies sa big screen. Interesado rin siya sa horror genre at gusto niyang maka-crossover ng iba’t ibang genre tulad ng horror-drama na may romance.

Kaya pinagtambal for the first time sina Empoy at Kim Molina sa My Zom-Babe.

“Finally, nang sinabi na si Kim ang female lead, natuwa ako dahil alam kong marami pang maibibigay si Kim bilang kapareha ni Empoy,” sabi ni Direk Bobby. “Naging excited kami. Maraming additional inputs si Kim para mapaganda pa ang kwento.”

Sa unang pagkakataon, hindi makakatambal ni Kim ang real-life partner niya na si Jerald Napoles.

“It’s refreshing, of course, to have a new partner for me,” saad ni Kim. “Friends talaga si Empoy at si Je (Jerald). I’m a fan of Empoy. Very exciting for me to work with him. He brings something different to the table.

“Excited din si Je for Empoy and I. He’s very supportive about this project. Working with a different leading man, it wasn’t as hard as I thought it would be. Noong pandemic, nasanay ako na si Je palagi ang leading man ko. Iba na ngayon,” sey ng komedyana.

Although first time ni Empoy at ni Kim na magtambal sa pelikula, nagka-trabaho na sila sa teleserye na Ang Probinsyano bilang magka-partner.

Anyway, ilan sa mga nakatambal ni Empoy sa successful big screen projects niya sina Alessandra de Rossi, Kita Kita (2017), at Cristine Reyes, Kidnap for Romance (2023).

Si Direk Bobby naman, ang early films niya ay kinabibilangan ng Tahan, Bula, My Lockdown Romance at Kahalili para sa Vivamax.

Buena mano nga ng Viva para sa 2024 ang My ZomBabe na ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula bukas, January 8.

Kasama rin sa cast ang newcomer na si Yanyan de Jesus, pati na sina Billy Villeta, Jao Mapa, Suzette Ranillo, Liz Alindogan, Andrea del Rosario, Andrew Muhlach, Nico Locco, Garry Lim, Isadora at Marnie Lapus. Leah Salterio

AUTHOR PROFILE