Dizon Nagpahayag si MPD director Andre P. Dizon na walang puwang ang mga masasamang elemento sa Lungsod ng Maynila. Kuha ni JON-JON REYES

‘Pusher’ timbog sa Sta. Cruz; P8.1M shabu nasabat

April 28, 2023 Jonjon Reyes 331 views

INARESTO ang isang lalaki na sinasabing “pusher” umano ng ipinagbabawal na gamot ng puwersa ng District Drug Enforcement Group (DDEG), Station Drug Enforcement Unit (SDEU), at Manila Police District (MPD) sa isang buy-bust operation sa Pedro Guevarra at Remigio Streets, Sta. Cruz, Maynila, Huwebes ng gabi, Abril 27.

Ayon kay “The Game Changer General” MPD Director P/BGen. Andre P. Dizon, ang suspek ay kinilala sa alyas na “Boss,” ng Marulas, Valenzuela City na naaresto bandang 6:30 ng gabi sa nasabing operasyon.

Ininguso umano ng isang impormante ang suspek na siyang pasimuno umano ng talamak ng bentahan ng shabu sa nasabing lugar.

Bago ikasa ang operasyon, nakipag-ugnayan sa pamunuan ng MPD Sta. Cruz Police Station (PS) 3 ang DDEG sa pamumuno ni PSMS Jonathan Acido, kasama si P/Maj. Jonathan Avillano at sa direktiba ni P/Lt. Col. Melvin Florida, hepe ng DDEG.

Dahil dito inutos ni P/Lt. Col. Ramon Solas kay PEMS Rommel Rey, team lider ng PS-3, na sumama sa ikakasang buy-bust.

Agad na pinosasan ang suspek matapos tanggapin ang markadong salapi kapalit ng shabu at narekober ang bulto ng shabu na aabot sa halagang P8,160,000.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nahuling suspek.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang MPD director sa mga puwersa sa matagumpay na operasyon laban sa suspek at pagkumpiska ng iligal na droga.

AUTHOR PROFILE