Default Thumbnail

Ex-con nang-hostage ng lolo, 64

May 29, 2024 Edd Reyes 74 views

HINOSTAGE ng isang ex-convict ang 64-anyos na lolo matapos umanong hindi patirahin ng kaanak ng biktima na may utang sa kanya sa Paranaque City.

Mahigit na anim na oras ding hinostage ng suspek na si alyas “Elias”, 28, residente ng Pama Sawata, Brgy. 28, Caloocan City ang biktimang sa alyas “Frank” nang pasukin sa kanyang bahay sa Sta Maria St. Valley 1, Brgy. San Antonio dakong alas-8:50 ng umaga ng Martes, bago tuluyang sumuko sa pulisya makaraan ang isinagawang negosasyon.

Sa ulat ni Paranaque police chief P/Col. Melvin Montante kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, unang nagtungo ang suspek sa bahay ng kaanak ng biktima na sina alyas “Melvin” at “Ramon” sa katabi lang na lugar upang makiusap na doon muna siya tumira dahil kalalabas lamang ng piitan, bukod sa may utang umano ang mga ito sa suspek.

Nang hindi pagbigyan ng dalawa ang suspek, lumabas at nagtungo sa katabing bahay ng biktima na noon ay natutulog pa at naghalughog ng mga gamit.

Nakita ng 19-anyos na anak na lalaki ng biktima ang ginagawa ng susoek at nang sitahin, naglabas ito ng baril kaya’t nagtatakbong lumabas para humingi ng tulong sa barangay.

Nang magresponde ang mga tauhan ng Police Sub-Station-5, ini-lock na ng suspek ang pinto at pinigilang makalabas ang matandang biktima, kaya’t dito na sinumulan ng pulisya ang negosasyon.

Pasado alas-2 ng hapon nang ipasiya ng suspek na sumuko kay Col. Montante, pati na ng kalibre .38 revolver na may limang bala na ginamit sa pang-hohostage.

Mahaharap sa kasong serious illegal detention, alarm and scandal, at paglabag sa R.A 10591 o ang comprehensive law on firearms and ammunition ang suspek sa Paranaque City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE