Quimbo

DOH tiniyak pondo vs bagong COVID variant

May 29, 2024 People's Tonight 70 views

SINIGURO ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa mga mambabatas na mayroon itong mapagkukunan ng pondo para tugunan ang bagong variant ng COVID-19, kasama na ang pagbili ng bakuna para mabigyan ng proteksyon ang publiko.

Ito ang inihayag ng ahensya sa oversight hearing ng House committee on appropriations, kung saan inamin ng vice chair ng komite na si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na ikinagulat nito ang lumabas na ulat na walang pondo ang DOH para labanan ang “FLiRT” variant ng COVID-19 na kumakalat ngayon sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Quimbo, malaki ang unutilized funds ng DOH.

“Napakarami niyo bang pera? It’s very clear na napakabagal po ng paggastos ng DOH, hindi lang sa taon na ito kundi sa previous years,” ani Quimbo, matapos ang presentasyon ni DOH Undersecretary Achilles Gerard Bravo kaugnay ng budget utilization ng ahensya.

“Parang nakakagulat dahil sa dami ng pera natin, at kayo po I believe Usec. Bravo ay nanggaling sa DBM, klaro naman po na maraming puwedeng pagkunan ng pondo. Tama po?” sabi ni Quimbo.

Kinumpirma naman ni Bravo na mayroong pondo. “Madam chair, that’s correct,” tugon niya sa tanong ni Quimbo.

Tinukoy ni Quimbo ang quick response fund at pondo ng communicable disease program na hindi pa nagagamit.

“So mayroon tayong, halimbawa, may quick response fund na nakikita natin dito nakasulat P0.97 bilyon, pwedeng pagkunan ‘yun. At the same time napakarami niyo, may communicable disease program na obviously hindi niyo pa nagagamit, halos hindi nagagamit pa, at kahit sabihin natin na walang line-item para sa specific variant na ‘yun dahil hindi pa natin alam na may ganoong variant ng panahon na sinusulat natin ang 2024 GAA (General Appropriations Act), pwede naman ‘yan. Tama po?” sabi pa ng mambabatas.

Pagsiguro pa ni Bravo sa komite, handa ang ahensya na i-adjust ang pondo nito upang magamit ayon sa pangangailangan ng bansa.

“Madam chair, you are correct. So what we will do is that we have so many funds at the DOH, even from the CONAP (Continuing Appropriations) in 2023 and the current. If there’s a need to provide something for the emerging COVID variant, we can always make some modifications within our budget,” wika pa ni Bravo.

Paliwanag pa ni Bravo, “What we are doing right now is we are collating all the resources of DOH kung ilan ang savings at CONAP ng other programs and then we will decide ano ‘yung i-prioritize kasi ‘yung slow-moving appropriations, we are going to modify them and transfer them to fast-moving appropriations.”

Imbes naman na mag-panic, sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na ang dapat gawin ay maghanda laban sa FLiRT variant.

Sabi pa ni Garin, maraming hamon sa pagpapatupad ng border control kaya’t mas maigi na pagtuunan na lamang ng pansin ang pagbabakuna at pagtiyak na mayroong access ang publiko sa pneumonia at flu vaccines.

“Bottom line is, tama si Cong. Stella, the preparation should go back to either vaccination if an updated version is available, but more importantly is pneumonia, flu vaccines and the medicines for whoever will need it,” sabi pa ni Garin.

Pinatitiyak ni Garin, isang doktor at dating kalihim ng DOH, ang pagbibigay ng libreng pagpapa-ospital at pagpapagamot ng mga health care workers at mga immunocompromised na indibiduwal.

Ayon naman kay Bravo, gagamitin ng ahensya ang savings nito para sa naturang pangangailangan. “Madam chair, right now we are collating the savings of the DOH which meron naman, we can use that,” tugon niya.

Pinabulaanan din ni DOH Assistant Secretary Albert Francis Domingo ang lumabas na ulat na walang budget ang ahensya para sa mga bagong COVID-19 vaccine.

“Meron pong pera at mali ang headline na walang pera para sa bakuna dahil to begin with hindi pa naman natin alam kung ano ang mga Kp2, Kp3 variants,” punto ni Domingo.

“Naka-monitor din po tayo sa ating bed occupancy, mild po siya pero tama po si Dr. Garin na ang mga doktor hindi tayo nag-aantay na may pumutok na emergency, naka-ready tayo dapat,” dagdag pa niya.

AUTHOR PROFILE