Default Thumbnail

Paslit, 10, nalunod sa Ilog Pasig

April 12, 2023 Jonjon Reyes 275 views

ISANG 10-anyos na batang lalaki ang hinihinalang nalunod matapos mahulog diumano sa gilid ng isang compound sa Pasig River sakop ng Sta. Ana, Maynila iniulat ng pulisya.

Base sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 2:15 ng hapon ng Martes nang maihon ang bangkay ng biktima sa gilid ng Champaca Street, Punta Sta. Ana.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagkayayaan umano nitong Lunes, 4:30 ng hapon ang mga kasama ng biktima na maglaro malapit sa Ilog Pasig at aksidenteng nahulog ito sa katubigan sa gilid ng isang compound.

Agad sumaklolo ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa pangunguna na CG P03 Lorenzo Emmanuel Suarez at tatlo nitong kasamahan.

Nakita ang palutang-lutang na bangkay ng biktima sa isinagawang rescue operation at inireport ito sa Punta Police Community Precinct na itinawag sa Homicide Section.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente ayon kay Det. Roderick Magpale, may hawak ng kaso.

AUTHOR PROFILE