Default Thumbnail

Bangkay nakita sa ilalim ng puno sa parke

April 12, 2023 Edd Reyes 232 views

SA ilalim ng isang puno sa center island ng isang parke sa C4 Road nadiskubre ang bangkay ng 32-anyos na lalaki, Miyerkules ng umaga sa Malabon City.

Naglalakad sa kahabaan ng C4 Road sa Bgy. Longos si Jane Gomboc, 35, ng Bgy. 8, Caloocan City nang mapansin niya ang tila wala ng buhay na lalaki na nakahiga sa ilalim ng isang puno dakong alas-6:20 ng umaga kaya’t kaagad niyang ipinabatid ito Malabon Police Sub-Station 5 na malapit lamang sa lugar.

Nang puntahan ng pulisya ang naturang lugar, dito na nila nakumpirma na patay na ang biktima na madalas na ring makitang pagala-gala sa lugar upang manghingi ng limos.

Nakilala ang biktima na si Victor Ayala, residente ng Letre Road, Bgy. Tonsuya na umano’y hindi na umuwi sa kanilang tirahan at ipinasiyang manatili na lamang sa parke ng C4 Road mula pa ng panahon ng pandemiya.

Nakasaad sa ulat nina homicide investigators P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas na ipinadala kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro na isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang alamin ang dahilan ng kanyang pagkamatay.

AUTHOR PROFILE