Lacuna Nakatakda ng isagawa ng City Engineering Office ang rehabilitasyon ng pamosong Lagusnilad batay sa utos ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan. Kuha ni JON-JON REYES

Lagusnilad rehab, babalikatin ng Lungsod ng Maynila

April 12, 2023 Edd Reyes 206 views

INIHAYAG ng pinuno ng Manila Department of Engineering and Public Works (DEPW) City Engineer Armand Andres na babalikatin na nila ang rehabilitasyon ng Lagusnilad vehicular underpass na nasa ilalim ng pamamahala ng pambansang pamahalaan.

Sinabi ni Engr. Andres na nagpasiya si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na ang maglaan ng pondo para sa rehabilitasyon at pagsasaayos ng Lagusnilad vehicular underpass bunga ng napakaraming reklamong natatanggap ng alkalde mula sa mga motorista na dumadaan sa lugar.

Ang Lagusnilad Underpass ay bahagi ng lansangan ng Taft Avenue na isang pambansang daanan na nasa ilalim ng pamamahala ng national government.

Matagal ng nakatiwangwang ang proyektong pagsasaayos sa Lagusnilad na inumpisahan noon pa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) subalit sa hindi malamang dahilan ay nabimbin ang pagsasaayos na nagdudulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Bukod dito, madalas ding magkaroon ng disgrasya sa lugar, lalo na ang mga nagmomotorsiklo, bunga ng pagiging madulas at hindi pantay ang lansangan makaraang kayurin ang lansangan subalit hindi na nalagyan ng aspalto.

Ayon kay Andres, mapapasimulan nila ang proyekto sa mga susunod na isa hanggang dalawang linggo dahil kinakailangan pa nilang pag-aralan ang mga lugar na na gagamitin sa isasagawang traffic re-routing.

Bukod dito, kailangan pa nilang maglagay ng mga karatula o signages na magiging gabay ng mga motorista upang malaman nila na isasara sa daloy ng trapiko ang Lagusnilad at kung saan dapat dumaan.

Umaasa si Andres na matatapos nila ang proyektong pagsasailalim sa rehabilitasyon ng Lagusnilad bago pa dumating ang panahon ng tag-ulan.

Ang Lagusnilad ang kauna-unahang underpass na daanan ng mga sasakyan sa Pilipinas at maging sa buong Asya na ginawa noong taong 1960 sa panahon ni dating Mayor Antonio Villegas.

AUTHOR PROFILE