Center

Las Piñas City Crisis Center For Women and their Children, pinasinayaan

May 9, 2024 Edd Reyes 79 views

PINANGUNAHAN nina Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang pagpapasinaya sa Crisis Center for Women and their Children na kaunaunahang Women’s Crisis Center sa buong Metro Manila, Miyerkules ng hapon, sa Aira St. Santa Cecilia Village, Brgy. Talon Dos.

Bahagi ito sa pagtugon ng lokal na pamahalaan na tulungan at ipagkaloob ang mga pangangailangan ng kababaihan at kanilang mga anak na dumanas ng karahasan at mga pang-aabuso ng kalalakihan sa komunidad at mula sa sariling pamilya.

Sinabi ni Mayor Aguilar na sa ilalim ng naturang proyekto, magtutulungan ang Pamahalaang Lungsod at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan ng pansamantalang matutuluyan, counseling, psychosocial services, recovery, rehabilitation program at livelihood assistance sa mga biktima.

Tiniyak ng alkalde na ang mga komprehensibong programa at serbisyong ito ay siguradong magbibigay sa kanila ng panibagong pag-asa at muling makapamuhay ng maayos.

Ang itinayong Crisis Center ay may 24-hour residential care facility, 20 bed capacity na magsisilbing kalinga at proteksiyon ng kababaihang edad 18 hanggang 59 na biktima ng gender-based violence tulad ng pag-aabandona, pang-aabuso, pagmamaltrato, at pagsasamantala na pawang nangangailangan ng protektadong mga serbisyo para sa kanilang paghilom at pagbangon lalu na’t umaabot na sa kabuuang 1,945 na kasong pang-aabuso ang naitala noong 2022 habang 1,887 naman noong 2023 ng Violence Against Women and their Children (VAWC) ng lungsod na nagpapakita na ang karahasan ay isa sa mga isyu o problemang kinakailangang tugunan.

Inihayag naman ni Vice Mayor April Aguilar na sa kasalukuyan ay may umiiral na City Ordinance No.1276-15 series of 2016 na nagsasabatas at nagpapalakas sa implementasyon ng programang Gender and Development (GAD at iba pa nitong layunin.

Ang mga kababaihan aniya na nangangailangan ng tulong o binigyang ng pagsangguni ng lokal na pamahalaan,non-governmental organizations (NGOs), government organizations, law enforcement at Peoples’ Organization, at maging ang mga nasagip ay sasailalim sa assessment ng mga social worker upang matukoy kung kinakailangan silang pangalagaan ng center o dalhin sa kinauukulang ahensiya. Ang pananatili ng biktima sa crisis center ay maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang isang taon depende sa assessment ng social worker.

AUTHOR PROFILE