Huli Ang nadakip na suspek (nakasuot ng puting t-shirt) at ang ginamit na murder weapon. Larawan mula sa Las Piñas police

Kelot pinatay sa hataw ng dos por dos misis, 2 pamangkin

May 19, 2024 Edd Reyes 134 views

SELOS ang hinihinalang motibo ng lalaking walang awang pumaslang sa kanyang live-in partner at dalawa pa nitong pamangkin, kabilang ang 11-anyos na batang lalaki, sa Las Piñas City.

Ang mga biktima ay sina alyas “Mary Jean” na nasa hustong edad at human resource personnel ng isang shopping center, at kanyang mga pamangkin na sina alyas “Nathalie” na 19-anyos na estudyante at alyas “Oliver” na 11-anyos.

Nadiskubre lamang ang bangkay ng mga biktima dakong alas-1:34 ng hapon ng Sabado sa loob ng kanilang silid sa Saint Joseph Subdivision, Barangay Pulanglupa Dos, matapos umalingasaw ang masangsang na amoy na nagmumula sa kanilang silid.

Sa ulat na tinanggap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang mismong kapatid na si Princess, 20, ng pangunahing suspek na si alyas “Vincent,” ang live-in partner ni Mary Jean, ang nag-report sa pulisya at sa barangay matapos niyang madiskubre ang bangkay ng mga biktima.

Batay sa pagtaya ng mga nagrespondeng tauhan ng CAA Police Sub-Station sa pangunguna ni P/Capt. Francisco Guevarra, posibleng Huwebes pa ng gabi o Biyernes ng madaling araw nangyari ang pagpaslang sa mga biktima.

Ito’y dahil sa umaalingasaw na ang masangsang na amoy sa loob ng silid nang madiksubre ang mga biktima na hudyat na nagsisimula ng maagnas ang bangkay ng mga ito.

Nadakip naman nito ring Sabado ng dakong alas-10 ng gabi ng pulisya ang suspek na si Vincent sa tulong na rin ng kanyang mismong kaanak na kanyang tinatawagan.

Sa panayam ng People’s Tonight kay Pulanglupa Dos Barangay Desk Officer Ed Bunayo, napagalamang bitbit ng suspek ang anak nila ni Mary Jean nang tumakas matapos ang pagpatay at posible aniyang nahihirapang magpalipat-lipat ng lugar kaya’t ipinasiyang tawagan ang kaanak upang sa kanila muna ipangalaga ang kanyang anak.

Nakipag-ugnayan naman ang kaanak ni Vincent sa CAA Sub-Station na makikipagkita sa suspek upang kunin ang bata sa harap ng isang malaking supermarket sa Naga Road, Brgy. Pulanglupa Dos, na dahilan para siya’y madakip matapos ang ikinasang entrapment operation ng pulisya.

Ayon pa sa opisyal ng barangay, nagsimulang magselos ang suspek at manghinala na may kinatatagpong ibang lalaki ang kalive-in, bunga ng pag-uwi nito ng gabi na lagpas na umano sa oras ng kanyang trabaho.

Sa ginawang pag-proseso sa crime scene ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), posibleng pinatay sa pamamagitan ng mga palo sa ulo ng dos por dos ang mga biktima na iginapos pa ang mga kamay at paa at binusalan ang bibig.

Tinalian din ng suspek ang leeg ng kalive-in gamit ang blanket habang ginapos ng scotch tape ang kamay at paa ni Nathalie, pati ng batang si Oliver na pinuluputan ng tape sa leeg at binusalan ng basahan ang kanilang mga bibig.

Napagalaman na isinailalim din sa vaginal swab ang magtiya na isa sa proseso sa pagsasagawa ng imbestigasyon upang alamin kung may nangyari pang sexual assault bago nangyari ang pagpaslang.

Iprinisinta na ng pulisya sa Las Piñas City Prosecutor’s Office ang suspek para sa inquest proceedings, kalakip ang matitibay na ebidensiyang nakalap ng pulisya, para sa paghahain ng tatlong bilang na kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code.

AUTHOR PROFILE