Ortega

Patutsada ni Digong sa performance ni PBBM ‘purely propaganda’—House leader

May 8, 2024 People's Tonight 109 views

IBINASURA ng isang lider ng Kamara de Representantes ang patutsada ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bagsak ang grado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa performance nito.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at La Union Rep. Francisco “Paolo” Ortega V maganda ang tinatakbo ng gobyerno ni Pangulong Marcos at propaganda lamang ang komento ni Duterte.

“This is this purely propaganda sa tingin ko. Makikita naman natin this is an administration of problem solvers, not only the President but down the line,” ani Ortega sa isang press conference.

“Pati ‘yung mga kawani ng gobyerno. Pati ‘yung mga nandiyan sa lehistratura. Pati ‘yung mga nasa local level. They are trying to create a culture of unity and a culture of problem solvers, not a culture of cry-babies,” dagdag pa nito.

Sa isang rally sa Dumaguete City noong Martes ng gabi, sinabi ni Duterte na hindi maganda ang performance ni Pangulong Marcos.

Sinabi naman ni 1-RIDER Partylist Rep. Rodge Gutierrez na pagdating sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino, maganda ang ginagawa ng administrasyon at ng lehislatura.

“Regarding the performance of the administration, I can’t speak for the Executive but what I have seen in the Legislative under the leadership of Speaker Martin Romualdez, mukhang we’ve been right on track,” sabi ni Gutierrez.

“And in record time we’ve done all the LEDAC priorities. The President, even before certifying it as urgent, we’ve already passed on the committee level yung Rice Tarification Law. So, on the questions on nagugutom yung tao, anong ginagawa sa presyo ng bigas, I think we’re moving in one direction here,” saad pa nito.

Kinontra rin ni Deputy Speaker at Quezon Province Rep. David “Jayjay” Suarez ang pahayag ni Duterte.

“My position is that the president is doing very, very well, given the situation na galing tayo sa isang pandemya kung saan bagsak na bagsak ang ating ekonomiya. Ngayon nasaan ang Pilipinas?

We’re expected to be the highest performing growth in GDP in Southeast Asia,” deklara ni Suarez.

“Unemployment is down, now we are addressing under-employment. Gumaganda na po ang takbo ng ekonomiya at ngayon meron na pong solusyon na hinain ang ating Speaker, ang leader po namin sa Kongreso para mapababa ang presyo ng bigas,” dagdag pa nito.

Ayon kay Suarez maganda ang pagtatrabaho nina Pangulong Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Pagtugon po ito sa pang araw-araw na problema ng Pilipino. Kakagaling lang po ng ating Pangulo sa isang makasaysayan na Trilateral agreement, kung saan napag kasunduan ng bansang Pilipinas, America at ng Japan kung paano po natin sisiguraduhin ang safety, economic prosperity and progress in the Indo-Pacific Region,” sabi ni Suarez.

“So, we are on the right (side) of development. I think what is happening right now is part of another attempt to discredit the administration. It is to the best interest of the Filipino people that we support President Bongbong Marcos, dahil ang nais lang naman natin ay maging matagumpay siya at maging matagumpay ang ating bansa,” dagdag pa nito.

Kinuwestyon naman ni Ortega kung ano ang naging batayan ng dating Pangulo at bagsak ang naging grado ni Pangulong Marcos.

“Pakita niyo nga po ‘yung matrix niyo at paano niyo natunton kung paano po nagkaroon ng failing na grade ‘yung administrasyon,” sabi ni Ortega.

“Kasi hindi naman po tayo pwedeng magbigay ng grado kung wala kang mga matrix, wala kang numbers, wala kang data,” punto pa ng kinatawan ng La Union.

AUTHOR PROFILE