Guo

Mayor Guo maaaring ma-DQ kapag ina napatunayang Tsino

May 30, 2024 PS Jun M. Sarmiento 79 views

MAS matinding dikdikan ang inaasahan sa susunod na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality na siyang nag-iimbestiga kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Pinabulaanan ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng nasabing komite, na ang isyu laban kay ay hindi patungkol sa Sinophobia kundi aniya ito ay dahil nakataya ang seguridad ng ating bansa na dapat tutukan at busisiin ng maige.

Sinabi ni Hontiveros na sang-ayon siya sa rekomendasyon ni Sen. Sherwin Gatchalian na ipatawag sa pormal na imbestigasyon ang diumano’y tunay na ina nito na pinangalanan ng senador na si WenYi Lin o Lin Wen Yi, na isa umanong Chinese national.

Iginiit ni Gatchalian na mahalaga ang magiging testimonya ni WenYi Lin o mas kilala sa ngalan na Winnie dahil ito ang magiging basehan kung may karapatan si Mayor Guo na tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno dahil ito ay klarong nakasaad sa Saligang batas na tanging Pilipino lamang ang maaaring magkaroon ng posisyon sa gobyerno. Sakaling parehong Tsino ang kanyang magulang ay automatikong diskwalipikasyon ang kakaharapin ni Mayor Guo.

“The identity of Mayor Alice’s mother is crucial to this whole saga. Kung Chinese pala ang ina, at Chinese umano ang ama, mapapatunayan na hindi nga talaga Pilipino si Mayor. Kung totoo ito, ang mas malaking tanong: bakit kinailangan niyang magkunwari? Bakit may pagtatago at pagsisinungaling?,” pagtatanong ni Hontiveros.

Ibinulgar din ni Hontiveros na sa mga nakalap na dokumento kina Mayor Guo pati na rin ng mga co-incorporator ng mga ito sa kanilang pitong negosyo na pinangalanan sa sumusunod — QJJ Group of Companies, QJJ Farms, QJJ Embroidery, QJJ Meat Shop, 3LIN-Q Farm, QJJ Slaughterhouse, at ang QSeed Genetics — pawang mga pangalan nilang magkakapatid ang nakalagay tulad nina Shiela L. Guo at Siemen L. Guo, gayundin ang ama nitong si Jian Zhong Guo, at ang pinaniniwalaan tunay nilang ina na si Lin Wen Yi.

“Kung nagawang magsinungaling ni Mayor Alice tungkol sa mga kapatid niya, hindi malayong mangyari na tinatago niya rin ang totoong pagkatao ng nanay niya. She has been lying through her teeth the past two hearings. Ang daming imbento, halos wala nang lumalabas na totoo sa bibig niya,” ani Hontiveros.

“Magkakamag-anak ba silang lahat? Is this one big, dubious family business? As Sen. Win also noted, travel records show that Jian Zhong Guo and Lin Wen Yi travelled together at least 170 times in the span of six years. Business partner lang nga ba o baka asawa talaga?”giit ni Hontiveros.

Ibinahagi rin ni Hontiveros ang dokumento na mula sa Bureau of Internal Revenue document kung saan ay sinertipikahan nito ang mga birthdates at addresses nina Mayor Guo at mga sinasabing co-incorporator nito na pawang miyembro ng kanilang pamilya..

“1971 ang birth year nitong Lin Wen Yi. Kung siya ang tunay na ina, 15 years old lang siya nang iniluwal si Alice. At kung siya din ang ina ni Sheila na aminado si Alice na kapatid niya, aba 13 years old lang siya nung niluwal si Sheila? Unless ito ay gawa-gawa lang lahat, kathang isip ng isang sindikatong Tsino na pinahintulutan ng mga kawani ng gobyerno,” ani Hontiveros.

“May isa pa kaming source na nagsasabi na ‘Winnie’ ang tawag sa nanay ni Mayor Guo. Filipinized version kaya ito ng Lin Wen Yi? Bakit kaya sinisikreto? Sino ba itong pamilya na ito? Bakit nakapalibot sa misteryo? We will get to the bottom of this,” pagtitiyak ni Hontiveros.

Para kay Sen. Gatchalian suportado niya ang pormal na gagawin imbitasyon sa diumanoy posibleng biological na nanay ni Mayor Guo dahil gusto niya nilang marinig ang katotohanan kung sinot talaga ito.

Matatandaan na inamin ni Gatchalian na personal siyang nag usisa sa sinasabing dating warehouse address ng mga Guo sa Valenzuela at duon ay natuklasan niya na ang ipinakikilalang nanay ni Mayor Alice ay si WenYi Lin sa lahat ng tao nuong kanyang kabataan.

Ang ugat ng pag usisa sa katauhan ni Mayor Guo ay bunga ng kanyang pa-iba-ibang kwento at hindi makatotohanan paglalahad ng kanyang pagkatao lalot patungkol sa kanyang birth certificate at mga magulang kung saan ay nakadeklarang PIlipina ang kanyang ina at Tsino ang ama. Kaakibat din nito ang mali-maling deklarasyon na kanyang birth certificate na hindi tugma sa Philippine Statistics Authority.

Inilahad din ng PSA na sa kanilang record walang Amelia Villaruel Leal na siyang sinasabi ni Mayor Guo na kanyang tunay na ina at siya umano ay nag iisang anak lamang.

Matapos matuklasan ng PSA na apat silang magkakapatid ay umamin na si Mayor Guo na kapatid niya nga sina Sheila Guo at Seimen Guo at pare-pareho rin sila ng ina at ama ngunit magkakaiba naman ang petsa sa kanilang birth certificate kung kailan kinasal ang mga ito.

Para naman kay Senadora Loren Legarda, buhol buhol at hindi makatotohanan ang mga sagot nito sa kanya sa nakaraang pagdinig.

Niliwanag ni Legarda na napaka-sensitibo at banta sa seguridad ng bansa ang isyu na ito ni Mayor Guo dahil posibleng aniyang pinakikialaman na ang ating seguridad at ginagamit ang isyu ng Sinophobia para lamang malihis ang katotohanan.

“This is clearly a creeping invasion and this is a national security issue. We should all consider this matter as a serious threat. Nakakatakot isipin na infiltrated na tayo ng mga dayuhan at ito ay talagang banta sa ating seguridad.” ani Legarda.

Nangako rin si Legarda na hindi siya bibitaw sa isyung ito lalo pa aniya at sobrang nakakatakot ang posibilidad na napasok na tayo ng mga banyaga at nakataya aniya ang ating bayan at ang buhay ng mga PIlipino pati na ang ating kinabukasan.

“Baka kasi taktika ito ng mga sindikato para ma-infiltrate ang ating bansa, partikular ang ating seguridad. We should not allow the issue to be diverted to Sinophobia. That is not true. This hearing is not about racism. We are doing this for the country and for Filipinos. It is for the safety of everyone. Hindi natin hihintayin na masakripisyo ang ating seguridad bilang bansa at bilang mga Pilipino. Dapat hindi ito tigilan.” giit ni Legarda.