Default Thumbnail

Senado patuloy na hati sa isyu ng diborsiyo

May 30, 2024 PS Jun M. Sarmiento 115 views

PATULOY na hati ang mga senador sa kontrobersiyal na isyu ng divorce kung saan ay inaasahan ang mainitan na pagtatalo kung ito ay bibigyan ng pagkakataun o hindi sa Pilipinas.

Sa isang panayam kay Sen. Loren Legarda, tumanggi itong direktang sabihin kung anuman ang kanyang posisyon sa naturang isyu ngunit inamin din nito na handa siyang makinig at ikonsidera ang mga suhestiyon ng kanyang mga kasama sa isyu ng pagpapasa ng Absolute Divorce Act na nakakuha ng matinding suporta sa Kamara kamakailan lamang.

“Maaaring napapanahon na ito. Dapat lamang sigurong mabawasan ang pait at hinagpis na dinadanas ng magkabilang panig na hindi na magkasundo dahil sa maraming kadahilanan. Ang dissolution of marriage ay isang nakikita natin na paraan para maging katanggap tanggap ito at accessible sa sinuman maging mayaman ka o mahirap man, para makapanimula muli ng kanilang buhay. Ilalapit natin ito lalo sa mga kababayan natin na mahihirap na sadyang hindi na pwedeng magsama at hindi na rin magkasundo talaga ngunit salat sa pera.” ani Legarda na nagsabing hindi naman aniya kataka takang ipasa ito sa Mababang Kapulungan ngunit aminado siyang siguradong matinding balitaktakan ito pagdating sa Senado.

Para kay Legarda, dapat lamang magkaroon ng pagkakataun ang mga kababayan natin salat sa salapi na makasimula ng panibagong buhay ngunit hindi magawa dahil sa walang batas na tutulong sa kanila upang maisagawa ito ng madali at hindi masyadong magastos.

Ani Legarda, handang handa siyang makinig sa mga katuwiran at mga pananaw ng kanyang mga kasama sa Senado at handa rin aniya siyang mag adjust sa isyung ito para sa kapakanan ng nakararami nating kababayan na naiipit sa maling pagpili ng kanilang makakasama sa buhay.

” Nais ko sana mabasa ng karamihan ang aking posisyon sa Divorce sa ilalim ng Committee report at dapat nang dalhin sa floor ang isyu ng Divorce upang pagdebatehan kung ano ang saloobin ng bawat isa sa amin,” ani Legarda

Nauna rito, sinabi ni Senate President Francis Chiz Escudero na aminado siyang hindi siya kumbinsido sa Diborsyo ngunit hindi kelan man aniya iimpluwensiyahan niya ang sinuman sa mga kapwa senador na sumang ayon sa kanya bagkus at dapat aniyang bumoto ang bawat isa sa kanila ng naaayon sa kanilang konsensiya.

Para naman kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada inamin niyang hindi niya ito susuportahan at ito aniya ang kanyang posisyon mula noon hangang sa ngayon.

Inilahad niya rin na ang mga hayagan na sumusuporta sa Divorce ay ang mga senador tulad nina: Sens. Risa Hontiveros, Robin Padilla, Grace Poe, Imee Marcos, Pia Cayetano, at Senador Raffy Tulfo.

Nagpahiwatig naman ang half brother ni Estrada na si Sen. Joseph Victor Ejercito na posibleng suportahan niya ito ngunit hindi naman siya nagpaliwanag hanggat aniya pormal na itong pagdebatehan mismo sa plenaryo ng mga kapwa senador.

Ayon kay Ejercito, bagamat pinalaki siyang sarado Katoliko Romano ng kanyang ina at dinedepensahan niya ang paniniwala ng simbahan sa isyu ng kasal, ay batid din naman aniya ng lahat kung gaano kahirap para sa mag asawa ang magsama pa ng tuloy tuloy kung wala na ang respeto, pagmamahal at wala ng anumang relasyon para sa isat isa ngunit hindi makakawala dahil sa kasalukuyang batas na hindi pabor sa pormal na paghihiwalay ng mag asawa. Ipinunto niyang napakamahal ng annulment at hindi praktikal kung maliit lamang ang kanilang kinikita.

Hindi aniya masisisi ang babae o lalaki sa hindi pagkakasundo dahil ito ay katotohanan aniya ng buhay ngunit dapat lamang umano itong makapagsimula ng kanilang panibagong buhay.

“This is a difficult issue. As a representative of the people and a Catholic, I am currently in the process of discernment. I intend to listen, and participate actively, in the deliberation in the Senate,” ani Ejercito na nagpahiwatig na may posibilidad na suportahan niya ang divorce sakaling marinig ang argumento na pagdedebatehan mismo sa plenaryo.

Samantala, bukod kay SP Escudero at Estarada, ang iba pang mga senador na hindi sang ayon sa divorce ay sina: Senate Majority Leader Francis Tolentino, Senator Joel Villanueva, Senator Ronald “Bato” dela Rosa, Sen. Miguel Migz Zubiri at Sen. Cynthia Villar na tahasang nagsabing hindi siya pabor dito dahil masaya at kuntento siya sa kanyang pamilya at walang dahilan para suportahan niya ang pagpasa nito sa Senado.

Sina Sens. Juan Edgardo “Sonny” Angara, at Ramon “Bong” Revilla Jr. naman ay nagpahayag na kailangan muna nilang masusing pag aralan kung susuporta sila o hindi sa pagpasa ng Divorce sa Senado.

Ani Angara batid niya kung gaano kasagrado ang kasal ngunit isang katotohanan din aniya ang hindi maitatanggi na dapat din bigyan konsiderasyon ang mga mag asawang naipit sa maling kasama sa buhay at maling pagpili nag nagdudulot ng hindi maganda para sa mag asawa gayundin sa kanilang mga anak. Napakamahal din aniya ang pagsasaayos ng proseso sa annulment kung kayat ito aniya ang kanyang pagtutuunan ng pansin.

Si Sen. Revilla, ay hindi nagbibigay ng kanyang sariling opinyon bagkus ay titimbangin muna niya ang kanyang mga opsyon at magkakaroon ng matinding konsultasyon kung dapat ngang suportahan ang divorce bill sa kasalukuyan panahon.