Default Thumbnail

3 sa 4 na murder suspek nasilo sa Malabon

May 30, 2024 Edd Reyes 97 views

NASILO na ng mga pulis ang tatlo sa apat na suspek sa pagkuyog at nanaksak sa magkapatid na umawat lang sa pambubugbog nila sa lalaking nangungupahan sa kanilang bahay sa Malabon City.

Murder, frustrated murder at physical injury ang isasampang kaso sa mga nahuling suspek na sina alyas Ryan, 18; alyas Joven, 28; at alyas Seth, 27.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlo habang tinutugis pa ang primary suspek na si alyas Samboy.

Sa ulat kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-6:40 ng Linggo ng gabi nang lusubin ng mga suspek ang bahay ng magkapatid na sina Marlon, 36, at Flaviano Dollete, 27, para hanapin ang nangungupahan sa kanila na si alyas Roderick sa Karisma Village, Road 4, Brgy. Panghulo.

Nagalit umano ang mga suspek kay Roderick nang pagsabihan sila sa ginagawa nilang pag-iinuman malapit sa kanyang inuupahang tirahan.

Nang makita ng mga suspek si Roderick, dito na siya sinapak ni Ryan kaya’t umawat na ang magkapatid pero sila naman ang kinuyog hanggang pagsasaksakin ni alyas Samboy.

Isinugod ang magkapatid sa Makatao Hospital pagkatapos tumakas ng mga suspek pero hindi na umabot ng buhay si Marlon.

Inilipat sa Tondo Medical Center si Flaviano na inoobserbahan pa dahil sa saksak sa kanang dibdib.

AUTHOR PROFILE