Sugal NATYEMPUHAN–Kulungan ang kinahantungan ng tatlong lalaki na naaresto habang nagsusugal. May dala pang marijuana ang isa sa suspek na nasa kustodiya na ng mga pulis. Kuha ni Jon Jon Reyes

3 huli sa sugal, marijuana sa Maynila

May 30, 2024 Jonjon Reyes 100 views

TATLO ang nasukol ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD) sa Sta. Mesa, Maynila noong Miyerkules dahil sa pagsusugal at pagdadala ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Nahulihan ang isa sa nasukol ng mahigit 36.38 na gramo na hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P4,365, ayon sa mga pulis.

Nakilala ang nakuhanan ng dahon ng marijuana na si alyas Tangtang, 39.

Dinampot ang dalawa habang nagsusugal ng cara’y cruz sa panulukan ng Parcel at Anonas Sts., Brgy. 630, Zone 63, Sta. Mesa.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Rommel Rey, hepe ng SDEU ng MPD-Station 8, bandang alas-10:39 ng gabi ng namataan ang nagkukumpulang mga kalalakihan sa naturang lugar.

Dahan-dahan na naglapitan ang mga pulis para alamin ang ginagawa sa kumpulan kaya nasorpresa ang mga sugarol ng bigla silang sunggaban ng mga awtoridad,

Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Presidential Decree (PD) 1602 kabilang ang timbog sa marijuana na kinasuhan ng paglabag sa Section 11, Article ll ng Republic Act 9165.

AUTHOR PROFILE