Default Thumbnail

Impostor na parak laglag sa boga, bala

May 30, 2024 Edd Reyes 89 views

TIMBOG ang nagpakilalang pulis na nabuking na impostor na may baril at 15 bala pa ng hindi makapagpakita ng ID sa sinita n’yang jail officer noong Huwebes sa Las Piñas City.

Mismong ang jail officer ang umaresto sa suspek na si alyas Jerone ng magtangkang tumakas sakay ng kanyang motorsiklo matapos mabistong nagpupulis-pulisan.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) director P/BGen. Leon Victor Rosete, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang harangin ng nagpanggap na pulis ang jail officer sa P. Diego Cera Avenue, Brgy. E. Aldana para sitahin sa hindi nabatid na dahilan.

Sa halip na makipagtalo sa ginawang paninita ng suspek, hinanapan muna ng jail officer ng ID si Jerone.

Dahil mabubuking na impostor, tumakas sakay ng motorsiklo ang suspek pero na-korner ng jail officer na nagpasaklolo sa mga pulis.

Nang kapkapan ng mga tauhan ng Zapote Police Sub-Station, nakumpiska kay Jerone ang isang cal. 45 pistol na may 15 bala sa magazine.

Pinasampahan ni Las Piñas police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla sa kanyang mga tauhan ang suspek ng Usurpation of Authority at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act.

AUTHOR PROFILE