Vic Reyes

Koleksyon ng BOC, above target!

May 8, 2024 Vic Reyes 94 views

NALAMPASAN na naman ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang revenue collection target noong nakaraang buwan.

Sa totoo lang, hindi na nakakagulat na balita ito sa aduana dahil expected naman ito ng mga nakatira sa “BOC Community.”

Alam nila na “kayod-kalabaw” kung magtrabaho ang mga opisyal at kawani ng BOC para lang lumaki ang koleksyon nila.

Sa taong ito ay tamataginting na P1 trilyon ang assigned tax take ng ahensya.

Hindi lang kailangang maabot kundi malampasan pa ito ng ahensya dahil maraming popondohang proyekto ang administrasyon ni Pangulong Marcos.

Sa unang apat na buwan ng taon ay nakakolekta na ng P299.674 bilyon sina Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Ito ay lampas ng P11.148 bilyon sa target nitong P288.526 bilyon.

Noong Abril ay umabot ng P80.822-B ang tax collection nina Commissioner Rubio. Lampas ito ng P3.192-B sa target na P77.63O bilyon

Sa nalalabing walong buwan ng 2024, dapat makakolekta ang BOC ng mahigit P7O1 bilyon para maabot ang assigned tax take na P1 trilyon.

Ang ibig sabihin nito ay kailangang umabot ng mahigit na P87 bilyon ang average monthly collection sa nalalabing walong buwan ng 2024.

Ayon sa record, inaasahang lalaki ang koleksyon ng ahensya bago pa dumating ang tinatawag na “ber” months ng September, Octoner, November at December.

Hulyo pa lang ay inaasahang darating na ang “Christmas items” na kinabibilangan ng iba’t-ibang appliances.

Hindi puwedeng walang pamasko ang mga overseas Filipinos sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas, kasama na ang mga kaibigan.

Pero inaasahang magsusubasta rin ang BOC ng mga abandoned at seized goods na nakaimbak sa ibat-ibang collection districts.

Malaking source ng income ng ahensya ang mapagbebentahan ng mga overstaying at confiscated shipments.

Ang pag-dispose ng mga overstaying shipments ay nakakatulong pa sa decongestion ng mga pantalan.

Sa tingin natin, kailangang kaagad na maisubasta ang mga puwede ng ma-dispose na shipments.

Ito ay para maiwasan ang puwedeng pagkasira o pilferage ng mga shipment.

Kayang-kayang abutin ng BOC ang P1 trilyong collection target sa tulong ng kanilang masisipag na opisyal at kawani.

Hindi ba, Commissioner Rubio?

***

Bilang isang archipelago ay napapaligiran ng tubig ang Pilipinas.

Ang masakit, nagkakaroon ng water shortage sa ibang lugar kapag panahon ng tag-init sa ating bansa, lalo na kapag may El Nino.

Kagaya ngayon. Maraming lugar ang may water shortage dahil sa kawalan ng ulan.

Ang masakit pa, mayroon daw 40 milyong Pilipino ang walang mainom na malinis na tubig sa ating bansa.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), marami tayong kababayan na umaasa sa bukal, creeks at ulan para may mainom.

Nakalulungkot ito, baka magkasakit pa sila sa pag-inom ng tubig galing sa kung saan-saan.

Ang hirap pa namang magkasakit ngayon dahil napakamahal ng mga gamot kahit generics drugs.

Kung mahirap ka lang at malayo sa tinatawag na kabihasnan, nanaisin mong magpatingin na lang sa mga erbolaryo.

Dahil Kahit itlog o gulay ay puwede ng pambayad sa mga ito.

Nakalulungkot talaga ang buhay ng mga mahihirap sa bansa.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484 email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE