Allan

Ang downside ng ambisyon

May 8, 2024 Allan L. Encarnacion 95 views

PALAGI nating naririnig na hindi mo kasalanan kung ipinanganak kang mahirap. Pero kung mamatay kang mahirap, sa iyo nang pagkakasala iyon.

Malawak ang opurtunidad ng buhay, mahaba ang kalsadang lalakbayin subalit along the way, marami kang madaraanang mga tiyansa, pagsubok, sagabal at kung anu-anong tinik.

Katulad din yun ng sinasabi ng marami na kung nagsimula ka sa lowest position in the company bilang isang utility, huwag ka namang makutento dyan, mangarap ka ring tumaas, mag-ambisyon ka ring mapunta sa ibang posisyon. Kung may tinapos ka naman sa pag-aaral pero namasukan ka bilang utility sa isang kompanya, wala tayong nakikitang dahilan para hindi ka ma-promote.

Hindi masama ang mag-ambisyon subalit palagi nating tatandaan, maraming mga taong nasisira ang diskarte kapag may naging hadlang sa kanilang ambisyon. Halimbawang nagpakasipag ka nang husto dahil ambisyon mong ma-promote pero nang dumating ang desisyon, iyong kasamahan mo ang naitaas ang posisyon at naiwanan ka sa promosyon.

Doon na magsisimula ang frustration, doon na papasok ang depresyon hanggang bumaba na ang intensity ng dati mong sipag at bumagal na rin ang dating masigla mong pagkilos. Ito iyong sinasabi kong ambisyon lang ang nagbibigay sa iyo ng lakas na sa tingin ko ay isang maling kaisipan.

Hindi ba katulad ng iba na pumasok sa isang kompanya na totoong masipag, totoo ang malasakit sa pinapasukan at totoong trabaho lang ang lakad. Iyong wala ang ambisyon pero naroon ang determinasyong makapagtrabaho, handa sa multi-tasking at walang angal kahit saan utusan or ano man ang ipagawa ng amo sa loob ng kompanya.

Ang mga ganitong work attitude ay walang malay sa ambisyon, hindi tumatarget ng promosyon. Nagigising na lang isang umaga ang ganitong klase ng empleyado na nabigyan ng promosyon na hindi pinilit, hindi pinangarap subalit dumating sa kanyang harapan.

Linawin natin, walang masama sa mga ambisyoso at wala ring masama ang mapangarapin na tumaas ang posisyon. Ang sinasabi lang natin, mas prone o mas madaling tamaan ng frustration at depression ang mga taong nangarap subalit nabibigo. Mas lalo silang hinahatak ng mga serye ng kabiguan kapag hindi agad nila nakamit ang pangarap na posisyong matagal na nilang inambisyon.

Iyong tipong nagsisipag lang para ma-promote na hindi maikukumpara sa natural at totoong masipag. Ang mga may masalakit sa kompanya at totoong may kalidad sa trabaho subalit hindi nag-aambisyon ang madalas nabibigyan ng pagkakataon.

Iba rin naman iyong feeling of rejection. May mga taong dumanas ng rejection subalit mas naging masikap, mas naging agresibong makamit ang gusto nilang mangyari sa kanilang karera.

Ang mahirap lang kasi sa rejection ay kapag nakambalan pa ng exploitation. Iyong tipong matapos kang “abusuhin”, matapos kang “gamitin” sa maraming aspeto ng kompanya, bigla ka nang wawalisin na parang wala lang. Ito naman iyong hindi dapat magbigay sa iyo ng depresyon at frustration. Sa iba, nagbibigay ito ng mas lalong inspirasyon.

Madalas, iyong mga taong dumanas ng rejection at exploitation ang nagtatagumpay kasi nga may gusto silang patunayan sa mga taong nagsamantala sa kanila at nagbalewala.

Sino ba naman sa atin ang hindi dumanas ng ganito? Pero palagi nating tatandaan na ang rejection and exploitation ay dapat ginagamit na driving force para lalo ka pang magtagumpay, huwag kang masisiraan ng loob dahil magagamit mo iyon na pagkakataon para mas matayog kang makalipad.

[email protected]