Allan

Pasmadong Famas

May 29, 2024 Allan L. Encarnacion 141 views

HINDI natin matatanggap ang paliwanag at palusot ng Famas organizer na hindi nila makita ang aktres na si Ms. Eva Darren kaya kailangang palitan agad ang presenter sa gabi ng parangal.

Una, ramdam ko ang sakit ng pamilya ng aktres dahil sa sinapit ng kanilang nanay na inimbita ng Famas para maging award presentor.

Pinadalhan nila ng imbitasyon na may kalakip na script para kabisaduhin at sinabihan ng kanyang magiging bahagi sa okasyon. Ang aktres na isang sibilisadong tao ay naghanda, nagpaparlor, bumili ng damit at nagbayad pa ng plated dinner para sa kanyang isinamang mga apo.

Mga ilang dekada na raw hindi nakakasampa ng entablado si Madame Eva kaya hinatak ng proud lola ang kanyang mga apo kahit gumastos na siya ng tig-P5,000 sa hapunan ng tatlong apo.

Walang kaalam-alam ang lola, habang komportable siyang nasa kanilang lamesa kasalo ang ibang aktres at ang mga apo sa grandiosong piging, mayroon na palang ibang gaganap sa papel na nakalapat sana sa kanya. Nagulat na lamang ang mga apo at si lola na iyong part niya na dapat ay aakyat na siya kasama ni Tirso Cruz III ay iba ang kasamang umakyat.

Tiyak na maunawaan ng mga apo iyon kung ipinahiya ang kanilang lola pero sobrang sakit kaya ng ganoong sitwasyon! Ang lolang gumastos at “magpaparangal” sana sa kanyang tatlong apo ay parang naupos na kandila sa ginawa ng Famas.

Ang masakit ay iyong aftermath ng eskandalo, sabi ng Famas, nasa live show daw sila at hindi makita si Ms. Darren kaya kailangan nila itong palitan agad.

Naku po, hindi ko alam kung magmumura ako o ihahampas ko ang Famas trophy sa adobeng pader nang mabasa ko ang paliwanag ng Famas. Hello, huwag nyo kaming gawing tanga, alam namin ang proseso ng live show at ang program flow, lalo na kung ganyang kalaking event.

Para sa mga hindi nakakaalam, kapag may mga ganyang program, lalo na kung live show, bago pa magsimula ang akyatan sa stage, tinatawag na isa-isa ang mga participants off the air or off cam. Kung ano ang order or pagkakasunud-sunod ng pangalan sa program, lahat iyon ay nasa holding area na. Lalo na kung live show, bago magsimula, lahat yan ay nasa linya na para kapag tinawag ay walang delay at hindi mababakante ang entablado.

Karaniwan yan, lahat ng participants na aakyat ay nasa tabi na ng stage with floor director or talent coordinator para kapag tinawag ang pangalan ay kaagad silang makakaakyat. Nangyayari din naman na iba ang umkaayat kapag wala or hindi dumating ang naka-assigned sa partikular na number. Off the air ginagawa yan, ibig sabihin, bago pa magsimula ang programa, alam na nilang wala ang assigned guest.

Huwag n’yong sabihin sa amin na kayong mga taga-Famas na ilang dekada nang nagkakaroon ng ganitong award’s night ay hindi nyo alam yan?

Kaya nga talagang nakakainis ang katwiran ng Famas na “Ms. Darren cannot be located” kaya kailangan nilang palitan. Hello, hindi musmos si Ms. Darren na habang may program ay maglalaro at tatakbo kung saan-saan para hindi nyo makita!

Kung ako sa Famas, aminin na lang nila ang gross incompetence at tanggapin nilang mga unfrofessional ang sangkot sa kapalpakang ito kaysa mag-imbento pa sila ng mga palusot na hindi makita ang aktres.

Nawalan na nga prestihiyo ang Famas dahil sa mga mali-mali nilang judging sa mga nakaraan, naeskandalo pa sila dahil sa kanilang kapabayaan.

Nakakapasma kayong mga taga-Famas dahil sobrang nagalit sa inyo ang publiko sa nangyari.

Dapat kayo palang mga organizer ang nabigyan ng best acting award dahil sa mga palpak nyong palusot!

[email protected]