Edd Reyes

Ginibang paaralan sa Maynila, daan-daang estudyante apektado

May 29, 2024 Edd Reyes 125 views

NAGTATANONG ang mga magulang ng mga estudyante na dating naka-enroll sa Gen. M. Hizon Elementary School kung maitatayo pa raw ba ang pampublikong paaralan na giniba noong panahon ng pandemya.

Nangangamba kasi sila sa kumakalat na usap-usapan na tatayuan daw ng malaking mall ang malawak na lupa na kinatitirikan ng paaralan sa may Jose Abad Santos Avenue, sa pagitan ng Bambang at Mayhaligue Streets, sa Tondo.

Nang makausap kasi natin noon sina Mayor Honey Lacuna-Pangan at City Engineer Arman Andres, wala raw sa hurisdiksiyon ng lokal na pamahalaan ang naturang paaralan dahil ang Department of Education (DepEd) ang nakakasakop dito at may kaalaman kung bakit giniba at kung kailan muling maitatayo.

Nagtataka kasi ang mga residente sa lugar dahil hindi naman masasabing bulok na ang mga konkretong gusali ng paaralan bagama’t may mga depekto na ang palikuran at wala pang supply ng tubig kaya excited sila kapag naitayong muli, baka kahalintulad na ito paaralang itinayo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na bukod sa fully air conditioned ay kumpleto pa sa amenities.

Sa ngayon kasi, nakakalat ang mga mag-aaral na dating naka-enroll sa naturang paaralan sa Andres Bonifacio Elementary School sa Tayuman at Gregorio Del Pilar Elem School sa kanto ng C.M. Recto at Jose Abad Santos na mas malayo sa kani-kanilang tahanan.

Nababahalan mga magulang na baka raw matulad ang mababang paaralan sa Jose Abad Santos High School at Raja Soliman High School sa may Reina Regente na dinemolish ng lokal na pamahalaan noon para pagtayuan ng mall.

Ang maganda nga lang, itinayong muli ang mga ito sa may San Nicolas, Binondo na higit na malaki at maganda kumpara sa nabubulok ng gusali nila noon.

Bangketa, gamit bilang extension ng pribadong establisimiento.

SA oras na masimulan ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang imbestigasyon sa mga kalsada sa lungsod na inookupa at inaangkin na ng mga pribadong indibiduwal para gawin nilang parking area, tiyak na mabubuking din ang paggamit ng mga pribadong establisimiento sa bangketa bilang extension ng kanilang negosyo.

Inaprobahan kasi kaagad ng mga miyembro ng Konseho ang inihaing resolusyon ni Tondo 1st District Councilor Bobby Lim na siyasatin ang sinasabing memorandum of agreement (MOA) na ipinagmamalaki ng mga pribadong indibiduwal sa lokal na pamahalaan para okupahin ang lansangan gayung walang ganitong kasunduan ang inaprobahan ng City Council.

Naungkat ang umano’y kasunduan nang maranasan mismo ni Lim ang panggagalaiti sa galit ng isang motorista nang iparada niya ang kanyang sasakyan sa kalsadang inaangkin ng lalaki sa ilalim daw ng kasunduang pinasok niya sa lokal na pamahalaan.

Nalaman din ng konsehal na marami pa palang pampublikong lansangan na inaangkin bilang parking area ng pribadong indibiduwal na ang ipinagmamalaki ay ang MOA sa pagitan nila ng lokal na pamahalaan.

Kaya tiyak na kapag sinimulan na ang pagsisiyasat ng Committee on Transportation at Committee on Ways and Means ng Sangguniang Panlungsod, mauungkat na rin ang paggamit naman ng mga pribadong establisimiento ng bangketa bilang extension ng kanilang negosyo.

Dito lang kasi sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue mula Tayuman hanggang Mayhaligue Streets, kabilaan ang paggamit ng mga pribadong establisimiento sa bangketa para gawing extension ng kanilang negosyo kaya ang nangyayari, kahit malapad ang bangketa, sa lansangan naglalakad ang mga pedestrians.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE