Default Thumbnail

Motorbike rider, angkas sumalpok sa trak, dedo

January 16, 2023 Jonjon Reyes 180 views

DEAD on the spot pareho ang isang rider at angkas nito sa motorsiklo dahil sa lakas ng pagkakasalpok sa likurang bahagi ng nakaparadang truck sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang mga nasawi na sina Michael Santos, 22-anyos, binata ng Oroquieta Street, Sta. Cruz, Maynila at si Joanna Mae Fernandez, 19-anyos, dalaga ng Tambunting St., Sta. Cruz.

Base sa ulat ni Police Major Jaime Gonzales, investigation chief ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang 3:50 ng madaling araw (Enero 16), nang maganap ang aksidente sa eastbound lane ng Capulong Road sa tapat ng isang kumpanya ng trucking sa Tondo.

Ayon sa ulat ni P/Cpl. Ignacio Palo Jr., may hawak ng kaso, ibinase ang report sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa Barangay 151 Zone 13 sa ilalim ng Punong Barangay na si Celia Manala.

Kitang-kita sa CCTV footage ang pagkakahampas ng motorsiklo ng mga biktima sa hulihang bahagi ng trailer truck na nakaparada sa nasabing lugar.

Dahil sa lakas ng impact, kapwa tumilapon ang dalawa na siyang ikinamatay agad ng mga ito.

Nabatid sa ulat ng pulisya, ang nakagarahe na ang truck na nakarehistro sa isang shpping and trucking company sa lugar.

Hinala ng pulisya, maaaring “nakainom” ang rider at hindi nito napansin ang nakaparadang sasakyan.

Ang bangkay ng mga biktima ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa awtopsiya at patuloy ang imbestigasyon kung sino ang dapat managot sa insidente.

AUTHOR PROFILE