Quiboloy Pastor Apollo C. Quiboloy

PANG-IINSULTO NI APOLLO TULDUKAN

April 29, 2024 PS Jun M. Sarmiento 60 views

NANAWAGAN si Sen. Risa Hontiveros sa lahat ng ahensya at mga institusyon ng gobyerno na gawin ang nararapat upang bigyan ng karampatang aksyon ang mga insultong pinakakawalan ni Kingdom of Jesus Christ founder, Pastor Apollo C. Quiboloy, at iginiit na dapat ang mga ito’y bigyan na ng tuldok ng mga awtoridad.

Kasabay ng kanyang panawagan sa Philippine National Police (PNP) na matunton si Quiboloy ay pinag-utos din niya sa Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-isyu na ng hold departure order at kanselashin ang passport ng pugante na posible umanong lumabas ng bansa anumang oras.

“Why is it taking so long to pinpoint his whereabouts? Mayroon ba tayong failure of intelligence? He is already insulting our institutions like the Senate, the Judiciary even President Marcos Jr. himself said these charges against Quiboloy are very serious,” ani Hontiveros.

Idinagdag pa ng senadora na bagama’t tama ang kaagad na ginawang kanselasyon sa mga lisensiya ng 19 armas ni Quiboloy ng PNP ay dapat pa rin aniya masusing pag-aralan kung ito lamang talaga ang armas nito o mas higit pa, dahil na rin sa mga litrato na ipinakikita ng kanyang mga taga-suporta.

“But we have to make sure that all his guns will be surrendered to our authorities. He was given at least six months which is very long. And ang naka-record is only 19 na lisensya. But if you look at the FB account of his alleged supporters and private armies, mas higit ito sa 19. I think our good PNP Chief should look into this angle dahil mas marami pa ang naka-post sa pictures nila ng kanyang alleged private armies,” pahayag ni Hontiveros.

Inilahad ni Hontiveros ang posibilidad na may mga kamay na makapangyarihan na nasa likod ng pagbibigay ng proteksyon kay Quiboloy, kung bakit hindi matunton ng PNP ang kinaroroonan nito sa kasalukuyan, aniya.

“It is possible that he is being coddled by some powerful people. That is why may bugtong o riddle pa siya at may pabuya na P1K kung sino makakahula. He is making a mockery of all our institutions. Tingnan natin kung kaya niyang gawin ito pag nasa Senado na siya at kung gaano kalakas ang loob niya pag kaharap na namin siya,” pahayag ni Hontiveros sa isang panayam niya sa ANC.

Sinabi pa ni Hontiveros na nagpapakita pa ito ng kanyang animo’y pangiinsulto sa mga institusyon sa pamamagitan ng kanyang mga recorded video na nagpapahula pa sa kanyang kinaroroonan upang magmukhang katawa-tawa aniya ang kakayahan ng gobyerno.

“Imbes na magpakita sa Senado o sa mga korte, panay record ng audio message na tila nang-iinsulto pa sa kakayanan ng gobyerno na matunton siya. This is appalling. This should not be allowed to pass, but only challenge government more to exhaust all means to restrict his movements,” giit ni Hontiveros.

Nauna rito, sinabi naman ni DFA spokesperson Teresita Daza na kapag napagpasiya na ikansela ang anumang passport ng sinoman ay magre-resulta ito ng agarang pagbibigay ng “red flag” sa anumang application saanmang DFA consular offices sa loob at labas ng PIlipinas.

Inihayag din ni Daza na ang kanselasyon ng pasaporte ay agad na nire-report sa Bureau of Immigration (BI) at sa Interpol office sa Pilipinas.

Ang Interpol PH ang siyang magkakalat ng impormasyon sa Interpol Headquarters kung kaya’t magkakaroon ng pagalerto sa kanilang mga sistema at ito ay kanilang bibigyan ng abiso upang makontrol at maalertuhan ang international border control.

“The world is closing in on him. He is accused of crimes that transcend continents and nationalities. Tiwala ako na maraming bansa ang handang makipagtulungan sa Pilipinas para papanagutin siya,” ani Hontiveros, kung saan ay iginiit din niya na tatlo sa mga victim-survivors na nagbigay ng pahayag sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality ay mga foreign nationals.

“Kung ang puganteng Kongresista ay nahuli, sana naman maaresto din ang puganteng religious leader. Maliit ang mundo. Hindi niya matatakasan ang batas habambuhay,” diin ni Hontiveros.

Ipinagkibit-balikat din ni Hontiveros ang mga taktikang legal ng mga abogado ni Quiboloy, kung saan diumano’y hiniling nito sa korte na ilipat ang lahat ng pagdinig kay Quiboloy sa siyudad ng Davao.

“I have my full trust in our judicial system. The court will have to weigh that, if they will heed to the request of the lawyers of Quiboloy. It is all up to the decision of the court,” paliwanag ni Hontiveros.