Paul Gutierez

‘Consistent top performer’ si DILG Benhur, bagay sa Senado

April 29, 2024 Paul M. Gutierrez 85 views

SA ikatlong sunod na survey sa mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos, muling bumandera, nanguna, namayagpag si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Malinaw pa sa sikat ng araw, boss Allan Encarnacion, na hindi nagkamali si PBBM sa paghirang kay Sec. Benhur sa maselan na posisyon na DILG, dahil nakikita at nararamdaman ng ating mga kababayan ang mahusay niyang pagganap sa kanyang tungkulin.

At hindi lamang basta nanguna, mga kababayan, sa pinakahuling survey ng RP-Mission Development Foundation Inc. (RPMD) “Boses ng Bayan”si Sen., ehek, Sec. Abalos, dahil dumadagundong na 91 percent ang nagsabing mahusay ang kanyang job performance habang mataas din sa 93 percent ang kanyang trust rating.

Ang pinakahuling survey ay inilabas nitong Abril 26 kung saan tinanong ang may 10,000 respondents nationwide noong Marso 18 hanggang 24 na markahan ang overall effectiveness ng mga miyembro ng gabinete sa trabaho nila sa kani-kanilang departamento.

Sa titulo pa lamang ng survey na “Boses ng Bayan,” malinaw na hindi lamang ito basta survey ng popularidad, bagkus ay tinanong ang taumbayan hinggil sa performance at kakayanan ng bawat miyembro ng gabinete.

Kahit pa nga maselan ang trabaho sa DILG, na siyang nangangalaga sa kapayapaan, public safety, at pagpapalakas ng mga local government units, hindi naman nakakagulat na mahusay na magampanan ni Sec. Benhur ang kanyang mandato. Hindi na bago sa kanya ang sitwasyon na ito dahil noong mayor pa lamang siya ng Mandaluyong ay naging pangulo na siya ng Union of Local Authoriies of the Philippines (ULAP), na karaniwang pinamumunuan ng isang gobernador; at League of Cities of the Philippines (LCP).

Take note, magkasabay niyang hinawakan ang posisyon na ito sa magkasabay na termino noong 2007.

Noong September 20-30 survey ng RPMD, nanguna rin ang mahusay na kalihim ng DILG sa nakuhang 90 percent approval at 94 percent trust ratings, habang sa December 27, 2023 hanggang January 5, 2024 na “Boses ng Bayan” survey ay namayagpag din si Sec. Abalos bilang top performing Cabinet member sa nakuhang 92 percent satisfaction rating. Lahat ng survey ay mayroong 10,000 respondents.

Bakit natin hinihimay ang mga bagay na ito? Isa kasi itong resibo na mulat at alam ng ating mga kababayan kung sino ang nagtatrabaho at gumaganap ng seryoso sa kanilang mga tungkulin, kaya naman consistent ang pangunguna ni Sec. Benhur.

Kung mahusay na nagagampanan ni Sec. Abalos ang kanyang trabaho, hindi imposible na nakahanda na rin siya sa mas mataas na antas ng paglilingkod – sa Senado – dahil sa lawak ng kanyang karanasan sa local governance, gayundin sa lehislatura.

Naging kinatawan din sa House of Representatives si Sec. Abalos kaya bihasa rin siya sa paggawa ng mga batas. Dahil sa lawak ng karansan, paglilingkod at pakikisama, nakakatiyak tayo na susuportahan at tatangkilikin ng lahat ng LGUs sa buong bansa si Sec. Abalos sa kanyang “journey to the Senate.”

AUTHOR PROFILE