Edd Reyes

Spa na nag-aalok ng extra service, kailangang bantayan

May 15, 2024 Edd Reyes 93 views

TAPOS na ang panahon na nagkalat ang mga massage parlor sa Metro Manila na ginagamit bilang front ng prostitusyon.

Dito nga lang sa Maynila, kabi-kabila noon ang massage parlor na pumatok ng husto dahil sa pag-aalok ng extra service sa mga parokyano pero unti-unti ng nagsara matapos ang walang puknat na pagsalakay na ginawa ng kapulisan, katuwang ang lokal na pamahalaan.

Pero hindi rito tuluyang natapos ang ganitong kahalintulad na negosyo dahil umusbong naman ang spa na may iba’t-ibang iniaalok na serbisyo tulad ng foot spa, head spa, day spa at kung ano-ano pa na ang gamit daw ay mineral spring na pinagmulan talaga ng salitang spa na may katangiang nagbibigay ng kalusugan.

May mga spa pa nga na pawang mga dayuhan lamang ang pinapapasok na tulad din sa mga malalaking massage parlor noon sa Maynila na mga Tsinoy lang ang pinapayagang pumasok.

Pero unti-unti ng nabibisto ngayon ang pagpapanggap bilang spa ng ilang massage parlor dahil sa pag-aalok ng “extra service” ng massage therapist kuno sa kanilang mga parokyano.

Hindi raw kasi sapat ang kanilang kita sa spa kaya kailangang mag-sideline na pabor naman sa may-ari ng establisimiento dahil tiyak na dadayuhin sila ng mga parokyano, lalu na kung mga menor-de-edad at wafa ang hawak na chiching.

Panahon na siguro para magtulungang muli ang pulisya at lokal na pamahalaan tulad ng pagtutulungang ginawa ng Quezon City Police District (QCPD) at Business Permit and Licensing Department ng lokal na pamahalaan na nagresulta sa pagkaka-rescue ng mga babae sa isang spa sa Commonwealth Avenue na ginagamit pala bilang front ng prostitusyon.

Mabigat din kasi ang parusa sa paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act na kakaharapin ng may-ari ng spa na ilegal ang uri ng pagnenegosyo kaya magsilbi sana itong babala sa iba pa na nagpapanggap lang bilang spa.

Navotas, nagtayo ng greenhouse facility

SA mga darating na panahon, may seguridad na sa pagkain ang mga Navoteño dahil dalawa na ang pagkukuhanan nila ng organikong pagkaing pananim matapos itayo ang greenhouse facility sa lungsod.

Pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco ang inagurasyon ng greenhouse facility sa NavotaAs Homes I sa Brgy. Tanza 2 na ang layunin ay matiyak ang seguridad sa pagkain tulad ng ginawa nila sa panahon ng pandemya nang itayo ang vertical farm sa NavotaAs Homes II na pinakikinabangan na mamamayan ang mga inaaning organikong mga tanim.

Ang kagandahan nito, naitayo ang greenhouse mula sa P7 milyong tulong pinansiyal ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na mula naman sa tinanggap na premyo sa 2022 Seal of Good Local Governance na nasungkit ng lokal na pamahalaan.

Idinesenyo ang pasilidad bilang extension ng Navotas Materials Recovery Facility (MRF), upang magamit ang lilikhaing pataba sa pananim mula sa Biodegradable Waste Processing Equipment na lilikhain ng MRF.

Sabi ni Mayor Tiangco, hindi lang seguridad sa pagkain ang idudulot na ginhawa ng greenhouse, kundi solusyon din ito sa problema sa nabubulok na basura.

Sa pamamagitan ng MRF at greenhouse, makakatanggap ng libreng seedlings at pataba ang 6,972 na residente ng NavotaAs Homes para sa kanilang mga panannim habang puwede ring mag-request ang 18 barangay sa lungsod na makakuha nito sa pasilidad.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE