Marlon

4 inaresto ng CIDG sa porn movies

April 29, 2024 Marlon Purification 90 views

MAY mga nagkalat pa rin palang bentahan ng mga CDs at DVDs na ang laman ay puro kabastusan.

Napatunayan ito nang magsagawa ng raid ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Quiapo, Manila kung saan ay dinakip din ang apat katao na nagbebenta at nagpo-produce nito.

Sa report na ipinadala kay CIDG director Major Gen. Romeo Caramat, kinilala ni Col. Joel Ana, CIDG-NCR chief, ang mga arestadong suspect na sina Maria Bajador, 43; Charito Lopez, 34; Abdul Basit Sharife y Salih, 24; at Abdul Muhammad Daud, 25 ; pawang residente ng Quiapo, Manila.

Sinabi ni Lt. Col. Nicanor Poblete, commander ng CIDG Manila Field Office, ang pag-aresto sa mga suspect ay bahagi ng CIDG Flagship Project na OPLAN OLEA na may layuning wakasan ang problema at sumbong sa obscene publications.

Alinsunod din ito sa itinatadhana ng Article 201 ng Revised Penal Code laban sa mga bastos at mahahalay na palabas at babasahin.

Nangyari ang raid noong nakalipas na Biyernes sa panulukan ng Elesondo St. Quiapo, Manila.

Ayon kay Col. Ana, sumulat sa kanila ang tanggapan ng Optical Media Board (OMB) dahil sa patuloy na pagkalat ng mga pornograpic materials na nakalagay sa CDs at DVDs na ibinebenta sa naturang lugar.

Nang maberipika na totoo ang impormasyon ng CIDG Manila District Field Office, ikinasa ang entrapment operation sa tulong ni OMB officer-in-charge James Ronald Macacero at ilang agent ng Manila Police District-Station 3 at MDIT-RIU-NCR.

Saksi sa pagsalakay ang producer ng RESIBO-GMA7 na si Patrick Vindel Cruz at si BK Nabil U Macmod na residente ng Brgy. 383.

Nabatid na ang mga inarestong suspect ay walang kaukulang Licensed To operate (LTO) mula sa OMB, ayon kay Col. Poblete.

Nasamsam ng mga operatiba ng CIDG ang walong boxes ng porn CDs, dalawang plastic bag ng porn CDs, dalawang piraso ng computer monitor, 3 pisaso ng CD/DVD writter, 1 CPU, isang DVD player, marked money at cash na nagkakahalaga ng P100,000.

Kinasuhan na ng paglabag sa Article 201 ng RPC (Obsense Publication) ang mga kalabosong suspect Manila City Prosecutors.