Allan

Aksiyon ni GM Mel Robles ang kailangan sa QC STL

April 29, 2024 Allan L. Encarnacion 134 views

NAGPADALA pala ng reklamo sa opisina ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga kubrador ng Small Town Lottery o STL.

Ang STL ang ginawang panlaban ng pamahalaan sa illegal na sugal-lupa gaya ng jueteng, loteng at ball-alai.

Malaki ang hinina ng jueteng magmula nang isilang ang STL na nasa ilalim ng pamamahala ng PCSO. Kaya nga maraming mga pumasok sa STL bilang mga agent para maging legal na ang kanilang hanapbuhay. Ang iba ngang kubrador ay umalis na sa jueteng para hindi na sila hinahabol ng mga pulis tuwing nagpapataya.

Namasukan sila sa STL para magkaroon ng legal na komisyon gaya nga ng nangyayari sa Quezon City.

Kaya nga nagpapasaklolo na kay Mayor Joy ang mga STL agent/kubrador dahil iyong dating maayos na palakad ng operator sa lungsod, biglang nagbago.

Sa nakita nating liham nila kay Mayor Joy at pinadalhan tayo ng kopya, sinabi nilang naging 15% na ang kanilang komisyon mula sa orihinal na usapang 20%. Ang problema ng mahigit isang libong kubrador na sumulat kay Mayor, natapyasan na nga ang kanilang komisyon, tinayuan po ng kung anu-anong betting stations ng kanilang operator na malapit sa kanilang mga istasyon kaya lalong lumiit ang kanilang kita.

Ang hindi lang natin alam ay kung may power ba ang alkalde ng lungsod para panghimasukan ang internal conflict na ito sa pagitan ng mga kubrador kompanyang may hawak ng STL sa lungsod.

Baka mas maganda kung ang kikilos sa kanilang mga reklamo ay si PSCO General Manager Mel Robles dahil direktang sila ang nagbibigay ng lisensiya sa operator ng STL saan mang panig ng bansa.

Bagama’t kilala natin si Mayor Joy na mabilis umaksiyon sa anumang mga inilalapit sa kanyang tanggapan basta may kinalaman sa welfare ng Qcitizen, mas maganda pa ring si GM Mel ang kumilos dito.

Ang magandang magagawa siguro ni Mayor Joy dito ay alamin kung nagbabayad ng tamang amusement tax at iba pang obligasyon sa lungsod ang STL operator na inirereklamo ng mga kubrador.

Sa bahagi naman ng QC police, dapat siguro imbestigahan naman nila ang STL operators kung anu-ano ang mga betting stations na binabanggit ng mga nagrereklamo na itinayo naman sa tabi ng kanilang mga puwesto.

Kung additional or augmentation lang para sa STL collection, wala tayong nakikitang problema rito. Pero kung ibang tayaan ang nakatayo or iba pang pa-bookies na walang basbas sa PCSO, dapat panghimasukan ito ng mga pulis.

May mga nababalitaan kasi tayo na STL operators sa ibang lugar sa bansa ay nagpapa-bookies or ginagawang parang jueteng din ang palaro para mahati ang bettors at makaiwas sa mga babayarang tax. Nanawagan tayo kay GM Robles na bilisan ang aksiyon sa isyung inilalapit ng mga kubrador sa QC para malaman kung dapat bang bawian ng lisensiya ang STL operator.

[email protected].