Allan

Bagong lider ng Singapore

May 15, 2024 Allan L. Encarnacion 146 views

MAYO 15, kahapon iyon, opisyal nang bumaba sa kanyang posisyon bilang Prime Minister ng Singapore si Lee Hsien Loong pagkatapos ng 20 taon.

Si Lee ay anak ni PM Lee Kwan Yew, ang nagtayo ng matatag na pundasyon kung nasaan ang estado ng Singapore ngayon. Pagkatapos ni Lee Kwan Yew, ipinasa niya ang liderato ng Singapore kay Goh Chok Tong noong November 28, 1990 at noong 2004, ang anak naman niya na si Lee ang sumunod.

Ang erpat ni Lee na si PM Lee Kwan Yew ang namuno sa Singapore mula 1959 hanggang 1990. Ito iyong mga panahong sapa, bukid at mga lubluban pa lang ng kalabaw ang malaking bahagi ng Singapore.

Matapos ang political crisis dahil sa paghihiwalay ng Malaysia at Singapore, si Lee Kwan Yew na ang nagisnang lider ng Singapore na halos kasinlaki lang ng Metro Manila.

Sa mga lumabas na documentary, umiiyak na sumumpa si Lee Kwan Yew na kahit sila’y isang maliit na bansa, darating ang panahon na magiging higante ang tingin sa kanila ng buong mundo, titindig silang marangal at kikilalanin sila kahit saan mapunta.

Sa ngayon, ang Singapore passport ang most powerful travel document sa buong mundo, puwede silang pumasok sa halos 200 countries nang hindi kailangan ng visa.

Mula sa anak ni Lee Kwan Yew na si PM Lee, inilipat niya ang kapangyarihan sa kanyang Deputy Prime Minister na si Lawrence Wong. Officialy, first day in office ni PM Wong ngayong araw na ito.

Kapansin-pansin, makalipas ang mahigit anim at kalahating dekada or 65 years, tatlong lider pa lang ang nagpalit-palit sa Singapore. Pang-apat pa lang si PM Wong. Ibig sabihin, sila iyong mga taong walang masyadong pulitika sa dugo, walang kuwentahan sa haba ng pamamahala. Ang importante sa kanila, inaayos ng lider ang kanilang bansa, pinamumunuan talaga ang bayan sa magandang kinabukasan.

Nitong nakalipas na 2023, nasa 13.6 million ang turistang dumating sa Singapore. Ang 2023 population naman nila ay nasa 6.1 million. Mas marami pa ang bisita kaysa sa kanilang mga mamamayan.

Kung mayroon kang unang magugustuhan sa Singapore, crime-free or ligtas ang lahat ng tao sa kanilang lugar. Kahit anong oras ka maglakad sa gabi o madaling araw, hindi ka mangangambang maholdap o kursunadahin ng mga tambay. Kung mayroon mang krimen sa Singapore, mga petty crimes na madalas ay hindi pa taal na Singaporean ang suspect.

Una, sobrang higpit ng batas nila, bitay talaga kapag illegal drugs at pagpatay ang iyong naging pagkakasala. Pati ang pagnanakaw ng kahit anong uri ay makukulong ka talaga nang walang amnesty. Hindi uso padrino system sa kahit anong aspeto ng kanilang justice system.

Pangawala, sobrang linis ng Singapore. Paglabas mo pa lang sa airport at hanggang on your way sa hotel, matutuwa ka sa green and flowery plants na sasalubong sa iyo hanggang sa city proper. Buwenas ka nang makakita ng isang balat ng candy na nililipad ng hangin sa kalsada.

Pangatlo, maliwanag ang lahat ng kalsadang daraanan mo. Panglima, sistematiko ang maraming kalye, may mga tamang pedestrian lanes, may mga subway for pedestrians, may maayos na train system. At higit sa lahat, sobrang lapad ng mga bangketa na talagang masasabi mong walkable city kaya hindi mo kailangang mag-taxi kapag mag-iikot ka lang sa with in the city.

Ang nakakatuwa doon, marami kang makikitang pulis na umiikot-ikot pero wala namang mga dalang baril subalit malaking bagay para sa mga mamamayan at turista.

Kaya nga puwede nating sabihin na ang magandang liderato mula kay PM Lee Kwan Yew ay naipagpatuloy ng pumalit sa kanyang si Goh na pinagbuti pa ng anak niyang si Lee. Makikita mong inirerespeto nila ang continuing administration at wala sa dugo nila ang pulitikahan o benggansang pulitika.

Kaya nga malaking hamon kay PM Wong ang pagkakahirang sa kanya bilang bagong lider ng Singapore. Masyadong metikuloso ang mga mamamayan ng Singapore pag dating sa pamamahala kaya kailangan ding umayos ni PM Wong. Kung hindi man niya malagpasan ang ginawa ng mga nagdaang lider, kahit mapantayan lang niya ay matutuwa na ang mga Singaporean.

Congratulations kay PM Wong bilang bagong lider at sa mga mamamayan ng Singapore.

[email protected]