Default Thumbnail

Mayor Honey muling nagpasalamat sa patuloy na tiwala ng mga Manilenyo

January 16, 2023 Edd Reyes 200 views

NAGPAHAYAG ng paniniwala si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na ang kanilang tamang paglilingkod sa mamamayan ng lungsod ay dulot ng “pagpapalang ipinagkakaloob ng Panginoon bunga ng patuloy nilang paniniwala sa Dakilang Ama at sa kayang bugtong na Anak.”

Inihayag ito ng alkalde sa ginanap na regular na pagpupugay sa watawat Lunes ng umaga sa Bulwagang Katipunan matapos ang natanggap nilang datos ng mga nakaraang linggo kaugnay sa patuloy na pagtitiwala sa lokal na pamahalaan ng mga mangangalakal na nagnenegosyo sa Lungod ng Maynila.

“Patuloy pong tumataas ang ating revenues. Isang bagay na dapat nating pasalamatan dahil sa mga pumapasok na pondo sa atin, mas marami po tayong mga programa at proyektong maipatutupad,” pahayag pa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Muling pinasalamatan ng alkalde si Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto at ang bumubuo ng Sangguniang Panlungsod (SP), mga pinuno ng iba’t-ibang departamento at maging mga ordinaryong kawani ng lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagtulong at pagsuporta sa kanyang mga programa, proyekto at pagkakaloob ng serbisyo publiko.

Bukod dito, binanggit ni Mayor Lacuna-Pangan ang natatanggap din niyang tulong mula sa mga pribadong organisasyon at mga kumpanya at isa na aniya rito ang higanteng pharmaceutical company na United Laboratories (Unilab) na nagkakaloob ng mga gamit sa kanilang pampublikong pagamutan.

“Maraming salamat po sa ibinigay ninyong mga mahalagang kagamitan at gamot sa ating mga ospital at sa mga health centers. Sana po ay huwag kayong magsawang tulungan ang Lungsod ng Maynila dahil ang makikinabang po dito ay ating mga kababayan dito sa ating lungsod,” pahayag pa ni Mayor Lacuna-Pangan

Nauna rito’y pinasalamatang muli ng alkalde ang lahat ng mga departamento, tanggapan, at kawanihan ng lokal na pamahalaan, lalo na ang Manila Police Department (MPD) dahil sa matagumpay, tahimik at masayang pagdiriwang ng dalawang araw na pagdaraos ng Kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan na sinimulan ng araw ng Sabado hanggang Linggo ng gabi.

Kabilang sa mga departamento, kawanihan at tanggapang binanggit ng alkalde sa kanyang pasasalamat ang Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), Manila Public Information Office (MPIO), Engineering, Department of Public Service (DPS), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Health Department (MHD), Manila Department of Social Welfare (MDSW), Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDDRMO), City Legal Office, Manila Police District (MPD) at ang tanggapan ng Punong Lungsod.

AUTHOR PROFILE