Pepe

Sistema ni Direk Joey sa shooting pinakamagandang naranasan ni Pepe

April 29, 2024 Vinia Vivar 93 views

JoeyBalik na nga sa sinehan ang Regal Entertainment, Inc. at ang kanilang first cinema offering for this year ay ang horror-comedy film na Bantay-Bahay mula sa direksyon ni Jose Javier Reyes at pinagbibidahan ng theater actor/comedian na si Pepe Herrera.

Kahapon ay nagkaroon na ng mediacon ang nasabing pelikula na dinaluhan nina Direk Joey (via Zoom) at Pepe.

Naka-relate si Pepe sa kwento ng Bantay-Bahay na tungkol sa mga elementong nagbabantay sa bahay dahil halos ganito rin umano ang kanilang ancestral home sa Caloocan.

“’Yung ancestral house kasi namin sa Caloocan, malapit sa Monumento, I think, 1950s pa siya, medyo related siya sa Bantay-Bahay, marami nang ‘nakitira’ na hindi namin nakikita.

“So, as early as five years old, hapon pa ‘to, may nagpakita sa ‘king maliit na… hindi ko masabing bata, pero maliit na creature,” kwento ni Pepe.

“Meron kaming maliit na grotto ru’n and I thought, may sakit lang ako pero it transformed into a little creature, eh. And then, it went on hanggang pagtanda namin. Kahit ‘yung mga kapatid ko, either makakarinig sila or makakakita. Iba’t ibang members ng family, even visitors of the house,” dagdag pa niya.

Samantala, naniniwala naman si Direk Joey sa kakayahan ni Pepe na magdala ng sariling pelikula dahil alam niyang mahusay itong komedyante at theater actor.

“Dream come true para sa akin na madirek ko si Pepe,” aniya. “Fan ako ni Pepe sa theater pa lamang. Sa teatro pa lamang, fan na fan na ako ni Pepe, tapos napanood ko na ang ilang pelikula ni Pepe before, so I’ve been wanting to direct him.”

Nang gawin umano nila itong Bantay-Bahay ay si Pepe lang talaga ang artistang pwedeng makagawa ng pelikula.

“Kung makikita n’yo ‘yung pelikula, it’s practically a one-man show, the whole movie is Pepe Herrera, so kailangan ko talaga ng… hindi putsi-putsi, kailangan ko talaga ng magaling na artista na may disiplina at kayang gawin ang demand ng role,” he said.

Masaya naman si Pepe na makatrabaho si Direk Joey at puring-puri niya ang sistema nito sa set.

“Si Direk Joey, bukod sa naging kaibigan ko siya sa pelikulang ito, I can say without bias na ‘yung sistema niya ang pinakamagandang naranasan ko. Hindi lang sa pandemic, outside pandemic. Nag-start kami ng 10 a.m. lagi, tapos natatapos kami kung hindi 10 p.m., mas maaga pa.

“Sobrang smooth ng sistema niya. Sobrang ganda ng pre-production niya na I hope, maraming production ang mahawa or gumaya sa ganitong sistema,” sabi ni Pepe.

“I’m very grateful na makatrabaho ko siya,” dagdag pa ng comedian/theater actor.

Palabas na bukas, May 1, ang Bantay-Bahay in 150 cinemas. Kasama rin dito sina Casie Banks, Johannes Rissler, Melizza Jimenez, Karl Gabriel at Rolando Innocencio.

AUTHOR PROFILE