Default Thumbnail

MAMBOBOSO KALABOSO!

March 22, 2023 Melnie Ragasa-limena 413 views

ARESTADO ang isang lalaki matapos umanong mahuli na binobosohan ang isang dalaga habang naliligo sa loob ng kaniyang tahanan sa Quezon City.

Ang suspek na nakilalang si Angelo Dizon Cabreros, 21, ay nakadetine na ngayon sa Batasan Police Station (PS 6).

Ayon kay PS 6 Commander PLt.Col. Morgan Aguilar, nangyari ang insidente sa bahay ng biktima sa Barangay Batasan Hills bandang 9 p.m. noong Marso 21, 2023.

Kasalukuyan umanong naliligo ang 25-anyos na biktima nang may mapansin siyang kakaiba sa butas sa dingding ng banyo.

Agad niyang inalam ang kaniyang nadiskubre at doon niya nakita ang isang lalaki na may hawak na cellphone at na nakatapat sa butas ng palikuran.

Sa tulong ng ilang kaibigan ay nahuli ang suspek matapos na komprontahin ng dalaga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Unjust Vexation and Violation of R.A 9995 or the Anti-Photo and Video Voyeurism Act ang suspek.