Default Thumbnail

NCRPO chief sa mga parak: Hindi basta pwede dumaan sa EDSA busway

May 27, 2024 Edd Reyes 76 views

NAGBABALA si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa mga pulis na hindi lahat ng kanilang sasakyan exempted sa pagdaan sa EDSA busway.

Inatasan ni Nartatez si NCRPO Regional Staff chief P/BGen. Rolly Octavio na iparating ang reminder niya batay sa inilabas na panuntunan sa lahat ng kanilang tauhan, kabilang na ang iba’t-ibang distrito ng pulis sa NCR.

Naglabas ng panuntunan ang NCRPO chief na ibinatay sa Resolution No. 20-002 ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagtatakda ng exemption sa mga sasakyan ng pamahalaan na dumaan sa EDSA busway.

Kabilang na rito ang sasakyan ng Pangulo ng Pilipinas, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representative at Chief Justice ng Korte Suprema.

Exempted din ang mga ambulansiya na may dadalhing pasyente sa ospital, fire trucks at PNP vehicles na humahabol sa kriminal o reresponde sa nagaganap na krimen.

Sinabi ni Nartatez na pahihintulutan din ang mga sasakyan ng PNP na dumaan sa EDSA busway kung magliligtas sila ng buhay at ari-arian kung may kalamidad, maging gawa ito ng kalikasan o gawa ng tao.

Gayunman, kung ang mga sasakyan ng PNP na may lulang mga matataas na opisyal at pupunta lang sa mga meetings o may mahalagang okasyon na dadaluhan, hindi ito pwede dumaaan sa bus lane.

Ayon kay Nartatez, pang-aabuso sa tungkulin kung lalabag ang mga pulis sa policy at MMDA resolution na posibleng magiging sanhi ng pagsasampa laban sa kanila ng kasong administratibo.

AUTHOR PROFILE