Default Thumbnail

UdM student hinoldap, suspek timbog sa follow-up ops

March 22, 2023 Jonjon Reyes 298 views

ARESTADO ng mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) ang isang suspek na lalaki matapos mangholdap sa isang estudyante ng Universidad de Manila (UdM) matapos makalawit sa isinagawang follow-up operation ng mga kapulisan sa boundary ng Ermita at Quiapo sa Maynila, Martes ng gabi.

Ang 18-anyos na suspek ay pawang residente ng Chica Street, Quiapo makaraang arestuhin ng mga operatiba ng District Investigation Division (DID-2) Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa Quezon Bridge, Ermita, Maynila.

Base sa ulat ni Police Major Edward Samonte, hepe ng DID-2 SMaRT ng MPD, bandang 6:30 ng gabi, nang maholdap ang dalaga sa tapat ng Metropolitan Theater sa A. Villegas St. malapit sa Quezon Bridge.

Nanginginig pa sa takot ang 21-anyos na estudyante dala umano ng trauma na inabot nito sa suspek, ngunit naglakas-loob pa rin itong humingi ng tulong sa mga operatiba sa ilalim ni Samonte.

Mabilis namang inutos ni Samonte kina P/Maj. Emmark Dave Apostol, deputy chief, kay P/Maj. Joemar Macarram at P/Capt. Edgar Julian na magsagawa ng manhunt operation para madakip agad ang suspek.

Nagtiyagang nagmatiyag ang mga operatiba sa pinangyarihan ng insidente hanggang sa mamataan ang suspek sa Quezon Bridge, Southbound na may kakaibang kilos at hinihinalang muling nag-aabang na naman ito nang mabibiktima.

Dito na agad kinalawit ng mga awtoridad ang suspek at nakitaan ito ng kalibre 38 pistola na kargado ng dalawang bala at ang mobile phone ng biktima na Vivo Y91 na kulay asul na nagkakahalaga ng P9,500.

Gayunman, matapos isailalim sa medical chec up sa pinagdalhang ospital, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 293 (Robbery) at Republic Act 10591 (Comprehensive Law of Firearms and Ammunition Regulation Act).

Dahil dito, ayon kay P/Maj. Philipp Ines ng Public Information Office, nagpahatid ng papuri si MPD Director Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon dahil sa patuloy na ginagawang aksyon ng mga kapulisan ng MPD-SMaRT.

AUTHOR PROFILE