Lacuna Pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Bise alkalde Yul Servo Nieto ang pagbabalik ng serbisyo ng ‘Kalinga sa Maynila’ na ginanap sa Patricia Paraiso Sports Complex sa Tondo, Miyerkules. Kuha ni JON-JON REYES

Kalinga sa Maynila nagbigay serbisyo sa Tondo

March 22, 2023 Edd Reyes 521 views

DINALANG muli ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang kanilang serbisyo sa mamamayan sa isinagawang “Kalinga sa Maynila” Miyerkules ng umaga sa ikalawang distrito ng Tondo.

Kaiba sa naunang pagsasagawa ng Kalinga sa Maynila, naglagay na ng kanya-kanyang booth o help desk ang halos lahat ng mahahalagang departamento ng Pamahalaang Lungsod na puwedeng lapitan at hingan ng tulong o paliwanag ng mga mamamayan na may katanungan.

Mismong si Mayor Honey Lacuna-Pangan ang nagtanong sa mga mamamayang dumalo sa naturang kaganapan na ginanap sa Patricia Paraiso Complex sa Barangay 177 sa kanilang mga katanungan upang matugunan at malinawan ang kanilang mga alalahanin.

Kabilang sa mga itinayong booth o help desk sa loob ng naturang complex na puwedeng lapitan ng mga mamamayan na may iba’t-ibang katanungan o suliranin ang Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA), Department of Engineering and Public Works (DEPW) Manila Police Department (MPD), Manila Civil Registry Office (MCRO), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Health Department (MHD), Manila Department of Social Welfare (MDSW), Department of Public Service (DPS), Public Employment Service Office (PESO), at maging ng Veterinary Inspection Board (VIB) na nagsagawa rin ng pagbabakuna sa mga alagang aso ng mga residente.

Sa naturang kaganapan, inihayag na rin ni Mayor Lacuna-Pangan ang pagsisimula ng pagpapatupad ng matagal na nilang ordinansa kaugnay sa “overnight parking” na hindi naipatupad noong panahon ng pandemiya dahil nakakaranas ng krisis ang mamamayan.

“Bakit po namin ito ginagawa? Kung mapapansin ninyo, ang MMDA ay napakasipag na naglilibot ngayon at panay po ang clearing nila, hindi lang po ang lokal na pamahalaan, at ito po ay paraan para maproteksiyunan po natin ang mga nakatira sa inyong barangay kasi baka mamaya bigla na lang hatakin ang mga sasakyan ninyo dahil hindi legal ang pagkaka-park n’yo sa kalye,” pahayag ng alkalde.

Hinimok din ng alkalde ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na palisensiyahan ang kanilang tricycle, maging pribado o pampubliko man itong gamit upang hindi sila maging “gatasan” ng mga tiwaling traffic enforcers.

“Paalala lang po namin doon po sa mga expired na ang lisensiya na mga miyembro ng TODA ay makipag-ugnayan po kayo sa help desk ng MTPB at mayroon na po kayong pagkakataon ngayon para mag-apply for overnight parking,” dagdag pa ng alkalde.

Nagsagawa rin ng personal na pagkakaloob ng konsultasyon sa mga may karamdaman ang alkalde, bilang isa ring doktor, sa help desk ng MHD at namahagi rin ng libreng gamot sa mga nangangailangan.

AUTHOR PROFILE