Allan

Dredging sa Zambales

March 20, 2024 Allan L. Encarnacion 158 views

BAGO maganap ang mapamuksang super typhoon Ondoy na nagpalubog sa buong Metro Manila at iba pang lugar sa Central Luzon noong September 2009, may Belgian company na naging kontraktor para sana sa dredging o pagpapalalim sa Manila Bay at ilang bahagi ng Laguna de Bay.

Panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang mapagtibay ang kontrata. Pero nang matapos ang kanyang termino bilang Presidente, hindi natuloy ang proyekto hanggang sa dumating ang delubyo.

Kaya nga nasisi ang administrasyong Aquino sa hindi natuloy na dredging project dahil naging water world ang National Capital Region sanhi ng Ondoy.

Ibig sabihin, ganoon kaimportante ang dredging o pagpapalalim sa ating mga katubigan para may madaluyan ulit ang maraming tubig na nagmumula kung saan-saan kapag may kalamidad gaya ng Ondoy.

Noong nakaraang taon, nang magkaroon ng habagat sa Central Luzon, binaha rin nang husto ang Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Bataan at Tarlac. Isa lang ang lugar na hindi dumanas ng pagbabaha sa panahon ng habagat—ang Zambales na pinamumunuan ni Governor Jun Ebdane.

Nagkaroon pa ng Senate investigation sa matinding flooding na iyon kaya nga na-singleout ang Zambales kung bakit siya lang ang lugar na hindi binaha sa Central Luzon gayong catch basin pala ang lalawigan ng mga tubig na nanggagaling sa Bataan at Pampanga.

Ang dahilan pala ng kawalan ng baha ay ang River Restoration Program na inilunsad ni Governor Ebdane. Ito iyong pagpapalalim at pag-aalis ng mga obstruction sa mga water ways na nasasakupan ng lalawigan. Komprehensibong programa para sa dredging ang ginawa ng Ebdane administrations sa Zambales kaya nga na-minimize ang pinsala ng mga kalamidad sa lalawigan.

Ang maganda sa ginawang ito ng Zambales, marami silang naging pakinabang sa dredging at desilting sa kanilang mga katubigan. Iyong mga inaalis na buhangin para lumalim ang mga ilog ay naging biproduct pa para maging panambak sa mga reclamation project sa Metro Manila.

Maraming ring nalikhang trabaho ang River Restoration Program na ito ni Governor Ebdane at nakadagdag din ito sa revenue generation program ng lalawigan kaya napababa nito ang poverty incidence at nagpatatag sa status ng Zambales bilang first class province.

Ito na ngayon ang problema, may mga grupo sa Zambales na kumikilos ngayon para ipatigil ang dredging na pinakikinabangan nang husto ng mga mamamamayan at lalawigan. Ang magandang itanong sa mga tumututol sa dredging, ano na ba ang naitulong nila para sa kaunlaran at kaayusan ng lalawigan?

Baka hindi lang nila alam, si Governor Ebdane bukod sa pagiging pulis/militar by heart, isa rin itong engineer by profession kaya alam niya ang kanyang ginagawa para protektahan ang lalawigan laban sa pinsala ng baha.

Naniniwala tayo na nasa tamang direksiyon ang Zambales para maging economic driver ng Central Luzon sa tulong ni Governor Ebdane.

[email protected]