3rd suspek sa gang-rape ng 14-anyos arestado

August 22, 2021 Edd Reyes 96 views

NAHULOG na rin sa kamay ng pulisya ang ikatlong akusado sa gang-rape ng 14-anyos na estudyante sa Malabon City makaraang matunton sa kanyang pinagtaguang lugar sa Valenzeula City Sabado ng gabi.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Rhoda Magdalene Mapile-Osinada ng Branch 289, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section (WSS) at Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (RMFB-NCRPO), sa pangunguna ni P/Capt. Ronilo Aquino, ang akusadong si Benjamin Borromeo, 22, sa kanyang tinutuluyang bahay sa 1153 Orion St. Brgy. Malinta, Valenzuela City dakong alas-9:10 ng gabi.

Sa ulat ni P/CMSgt. Gilbert Bansil, hepe ng WSS kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, natunton nila si Borromeo matapos makatanggap ng tip si P/Lt. Zoilo Arquillo, hepe ng Station Intelligence Section (SIS) sa kanilang impormante sa pinagtaguang lugar ng akusado na itinuturing na Most Wanted Person ng lungsod ng Malabon.

Batay sa rekord na ibinahagi sa media ni P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, isa sa mga arresting officers, naimbitahan at dumalo sa isang birthday party ang dalagitang biktima ng kanyang school mate na si Christ Angelo Dizon, 19 sa bahay nito sa Rosita St. Brgy. Santulan noong Setyembre 2020.

Nahimok umanong uminom ng alak ang biktima at nang makaramdam ng pagkahilo, dito na siya halinhinang ginahasa ng tatlo.

Nauna ng nadakip kamakailan sina Dizon at Joshua Dagohoy, 18, sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Quezon Cities ng mga tauhan din nina CMSgt Bansil at Capt. Aquino hanggang sa tuluyang matunton na rin nila ang ikatlong akusado.

AUTHOR PROFILE