QCPD

QCPD cop sinibak dahil sa sexual harassment

April 26, 2024 Melnie Ragasa-limena 112 views

SINIBAK sa puwesto ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) matapos siyang akusahan ng ‘sexual harassment’ ng isang policewoman noong Lunes, Abril 22.

Ang opisyal na may ranggong lieutenant colonel ay inalis sa kanyang puwesto bilang commander ng isang police unit sa QCPD at inilagay sa floating status habang isinasagawa ang imbestigasyon sa reklamong ‘sexual harassment’ laban sa kaniya.

Nagsampa na ng reklamo ang policewoman sa Internal Affairs Service (IAS) laban sa colonel.

Kaugnay nito, kinumpirma namman ni Philippine National Police (PNP) public information officer Col. Jean Fajardo nitong Biyernes na na-relieve na ang opisyal sa kanyang puwesto.

Tumanggi si Fajardo na ibunyag ang iba pang mga detalye, dahil sensitibo umano ang usapin at para na rin umano sa kahilingan ng biktima para sa privacy.

“Bilang respeto doon sa pakiusap nung biktima ay nakiusap siya na huwag na idiscuss ‘yung kaso,” dagdag ni Fajardo sa news briefing sa Camp Crame.