Default Thumbnail

2 suspek sa pananaksak nasakote sa Navotas

May 6, 2024 Edd Reyes 61 views

DALAWANG kelot na sangkot sa pananaksak, kabilang ang 61-anyos na erpat na nakapatay sa sariling anak, ang nasakote ng mga pulis noong Linggo sa Navotas City.

Unang dinakma ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes si alyas Tukmol matapos saksakin ng gunting ang kalaro sa pusoy sa lamay sa Phase 2, Area 1, Block 28, NBBS-Dagat-Dagatan dakong ala-1:55 ng madaling araw.

Ayon kay Capt. Alexander Calabucal, hepe ng Navotas Police Sub-Station-4, sasampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek matapos positibong kilalanin ng biktima na nakaratay sa Navotas City Hospital dahil sa saksak.

Dakong alas-6:05 ng gabi nang matiklo nina P/Lt. Roberto Furuc, commander ng Navotas Police Sub-Station-1, si alyas Napoleon sa may Chunkan St., Brgy. Tanza 2, ang suspek sa pagpatay sa 35-anyos na anak na si alyas Ryan.

Sa ulat ni P/MSg. Allan Bangayan kay Col. Cortes, alas-3:45 ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo habang nag-iinuman ang kinakasama ng suspek na si alyas Noralyn at anak na babae ng suspek na si Nicole sa harap ng kanilang bahay sa Bicol Area.

Nakialam umano ang biktima sa pakikipagtalo ng kapatid sa kanilang madrasta na ikinairita ng suspek na umaawat na rin sa pagtatalo.

Pumasok sa bahay nila ang suspek at paglabas armado na ng patalim at tinarakan sa dibdib ang anak bago tumakas habang isinugod biktima sa Navotas City Hospital at doon idineklarang dead-on arrival.

Ayon kay Col. Cortes, kasong Parricide ang isasampa nila sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE