Knife

Online gamer kinadyot sa likod, todas

April 26, 2024 Melnie Ragasa-limena 188 views

PATAY ang 42-anyos na lalaki ng saksakin sa likod ng hindi nakikilalang salarin habang naglalaro ng online game kasama ang live in partner sa Quezon City noong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Rigor Arbela Canlas, 42, nakatira sa 16 Kasoy St., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-2:00 ng madaling araw ng maganap ang pananaksak sa internet shop sa 47 Durian St., Area 9, Brgy. Pasong Tamo.

Batay sa imbestigasyon nina P/Cpl Aniceto Cebreros at Pat Raymond Ramos, abala ang biktima at ka live in na si Roxanne Marie Bayotas Herold, 39, sa online games ng biglang sumigaw ang biktima at tumakbo palabas.

Sinundan ng kaniyang ka live in ang biktima pero paglabas sa internet shop duguan ng bumagsak sa lupa ang lalaki.

Agad na isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ito ng buhay bandang alas-3:00 ng umaga.

Nagsasagawa na ng follow-up at backtracking ng mga CCTV ang pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan ng salarin at motibo nito sa ginawang pananaksak.