Default Thumbnail

1 patay, 4 huli sa CIDG ops sa Maguindanao del Sur

April 27, 2024 Alfred P. Dalizon 163 views

ISANG operasyon na inilunsad ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP_CIDG) sa Talayan, Maguindanao del Sur noong nakaraang Huwebes ang nagresulta sa isang shootout na ikinasawi ng isang armadong suspek at pagkakadakip sa apat na iba pa.

Sinabi ni PNP-CIDG director, Major General Romeo M. Caramat Jr. na nakumpiska din ang ilang mataas na kalibre ng hindi lisensiyadong baril at mga bala sa isinagawang Oplan: Paglalansag ng kanyang mga tauhan sa Barangay Poblacion sa munisipalidad ng Talayan.

Kinilala ang nasawi sa labanan na isang alias ‘Zai,’52; habang ang mga nahuli ay may mga alias na ‘Basir,’37; ‘Isma,’49; ‘Ari,’43; at ‘Ibra,’26, Sinasabing mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang mga akusado.

Ayon sa ulat, isinagawa ang Oplan”Panlalansag Omega ng mga tauhan ng CIDG Maguindanao Provincial Field Unit, CIDG Regional Special Operations Team , Talayan Municipal Police Station at Regional Mobile Force Battalion ng Bangsamoro Autonokous Region Police Regional Office.

Sinasabing nagpaputok ang napatay na suspect dahilan upang gumanti ang mga operatiba.

Nakumpiska sa nasabing operasyon ang isang 5.56 mm rifle na may serial number K001527, isang S&T Daewoo machinegun na may markang JFTI1; dalawang yunit ng M-16 A1 automatic rifle na may serial numbers RP179192 at RP257130; isang yunit ng kalibre .45 M1911 A1 pistol na may serial number 1953283; 65 piraso ng 5.56 mm ammunition, isang piraso ng link M27 ball container, 21 piraso ng .45 ammunition, dalawang .45 magasin at iba-t-ibang basyo ng bala.

Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013 ang mga nahuling suspek.

Ang matagumpay na operasyon ay resulta ng pinaigting na kampanya kontra loose firearms ng PNP-CIDG naaayon sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at PNP Chief, General Rommel Francisco D. Marbil na puksain ang anumang kriminalidad sa bansa sa pamamagitan ng agarang aksyon para makamit ang isang maayos, mapayapa, at maunlad na Bagong Pilipinas, ayon sa report.

AUTHOR PROFILE