Revilla

Sen. Revilla kumpiyansa sa katatagan ng PFP-LAKAS Alliance

May 8, 2024 Edd Reyes 72 views

IPINAHAYAG ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr., tagapangulo ng Lakas-CMD, ang kumpiyansa sa katatatagan ng pinagsanib na puwersang politikal ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Lakas, Ang Lakas-CMD.

Pinagtibay nitong Miyerkules ang alyansa sa pagitan ng partido pulitikal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Lakas. Ang Lakas-CMD, na siyang dominanteng partidong politikal sa bansa na tinawag na “Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas” sa isang pulong na ginanap sa Makati City.

Bukod kay Sen. Revilla na tagapanguna ng Lakas CMD, dumalo sa pagtitipon si Pangulong Bongbong Marcos, Jr., Lakas-CMD President House Speaker Martin Romualdez at PFP President Gov. Reynaldo Tamayo, Jr.

“Talagang natutuwa ako. Sa pagpapatibay ng alyansa na ito, higit pang bibilis ang pagkakamit ng mga adhikain ng adminstrasyong ito tungo sa Bagong Pilipinas,”sabi ni Sen Revilla

“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Bongbong Marcos for making this possible. Ang alyansang ito ay isang patunay ng kanyang pagsisikap sa pagbigkis sa sambayanang Pilipino sa iba’t ibang paniniwala upang magkaisa tungo sa pagkamit ng progreso at pag-unlad,” dagdag ng beteranong mambabatas.

Inihayag din ni Revilla na sa alyansa ng Lakas at PFP, matitiyak ang tagumpay na mahalal sa midterm elections sa susunod na taon ang mga sumusuporta sa administrasyon at mga programa nito.

“Ito ay isang mahusay na hakbang patungo sa 2025 midterm elections,” ani Revilla.

Ang layunin ay manalo ang mga aspirants from the national level down to the local level na susuporta at tutulong sa pagpapatuloy ng mga magagandang plano at programa ng ating presidente,” ayon sa mambabatas.

AUTHOR PROFILE