Default Thumbnail

2 pekeng Chinese na manggagamot dinakip

March 11, 2023 Edd Reyes 240 views

DALAWANG Chinese nationals na umano’y nagsasagawa ng panggagamot sa kanilang kababayan ang dinakip ng pulisya makaraang ireklamo ng kanilang pasyente sa Pasay City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft ang mga nadakip na suspek na sina Yang, Yongsheng, alyas “Yi Sheng Yang”, 53, at Liu Yong, 49, na kapwa nagsasagawa ng operasyon sa mga nagpapakonsulta nilang kababayan.

Batay sa ulat, nagpakonsulta ang Chinese national na si Zheng, Haohan, 26, sa dalawang kababayan bunga ng nararamdamang pagkirot ng kanyang tiyan at pagdudumi kamakailan.

Binigyan ng Chinese medicine ng dalawa ang kababayan at sinabihan na bumalik muli sa araw ng Biyernes, Marso 10, ng alas-3 ng hapon dahil kailangan niyang isailalim sa operasyon bunga ng hindi magandang kondisyon ng maselang bahagi ng kanyang katawan.

Dito na nagduda si Zheng kaya’t humingi siya ng tulong sa SPD District Special Operation Unit (DSOU) sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Gilbert Lee Mendova III na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek makaraang mabigong makapagpakita ng kanilang lisensiya mula sa Board of Medical Examination para manggamot.

Sinabi ni Kraft na sinampahan nila ng kasong paglabag sa Section 12, Article III ng Republic Act (RA) 2382 o ang Medical Act of 1959 at paglabag sa RA 9711 o ang Food and Drug Adminstration Act of 2009 sa piskalya ng Pasay City.

AUTHOR PROFILE