Default Thumbnail

VM Yul Servo pinulong TWG ng TMFF

March 11, 2023 Edd Reyes 254 views

PINULONG kamakailan ni Vice Mayor Yul Servo Nieto ang bumubuo ng “Technical Working Group” ng The Manila Film Festival (TMFF) upang pag-usapan ang paghahanda sa nalalapit na paglulunsad nito bilang bahagi ng selebrasyon ng Araw ng Maynila sa Hunyo ngayon taon.

Ang isa sa mahalagang tinalakay sa pagpupulong na isinagawa sa tanggapan ng Bise Alkalde sa Manila City Hall ay ang tamang panahon para sa TMFF, kabilang na ang pagsusumite ng screenplays at iba pang usapin.

Sinabi ng Bise Alkalde na bagama’t wala pang siguradong petsa na napakasunduan, napag-usapan naman nila sa pagpupulong kung ano ang puntiryang petsa sa pagrebisa sa mga screenplays na isusumite ng mga lalahok na paaralan, hanggang sa pagpapalabas ng mga ito sa mga sinehan sa Maynila sa panahon ng selebrasyon ng Araw ng Maynila.

Ayon pa kay Vice Mayor Nieto, ang paglulunsad ng TMFF ay naglalayong bigyan ng inspirasyon ang mga Manilenyos, partikular ang mga kabataang nahuhumaling sa sinematograpiya, na magamit ang kanilang talento sa paglikha ng pelikulang Filipino na ipapalabas sa mga sinehan sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

“Gusto po naming bigyan ng magandang saysay at karagdagang kasiyahan ang nalalapit na pagdiwang ng Araw ng Maynila, sa pamamagitan ng maayos na pagbuhay muli ng Manila Film Festival,” pahayag pa ni Nieto na isa ring mahusay na aktor na tumanggap na ng mga parangal sa larangan ng pag-arte.

Ang binuhay na programa na pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto, sa pakikipagtulungan ng Artcore Productions, ay unang inilunsad ni dating First Lady Imelda Romualdez Marcos sa unang bahagi ng taong 1970 subalit isinaisantabi nang mabuo ang Metro Manila Film Festival.

Magiging bahagi na ang TMFF sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

AUTHOR PROFILE