Holdup

2 lalaki huli sa holdap, pagnenok ng motor

March 7, 2024 Edd Reyes 121 views

TIMBOG ang dalawang bagets na suspek sa panghoholdap, pamamaril at tumangay sa motorsiklo ng food handler noong Huwebes sa Las Piñas City.

Nakatulong na malaki sina alyas Joel, 51, at Alexis, 30, na nagbigay ng impormasyon sa pulisya sa pagkakakilanlan sa mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakatiklo sa follow-up operation.

Positibong kinilala ng biktima na nakaratay sa Las Piñas District Hospital ang mga nadakip na sina alyas Eric, 19, at alyas John, 15, na silang nangholdap at tumangay sa kanyang motorsiklo sa St. Joseph St., Brgy. Almanza Uno, alas-2:05 ng madaling araw..

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, pauwi na ang biktima sakay ng pulang Rusi motorcycle nang harangin ng dalawa na armado ng baril at nagdeklara ng holdap.

Pilit na kinukuha rin ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima pero pumalag siya kaya siya binaril ng isa sa dalawa bago tumakas, tangay ang kanyang motorsiklo, patungo sa Alabang-Zapote Road.

Bigo naman ang pulisya na mabawi sa mga suspek ang tinangay na motorsiklo bagama’t tiniyak ng Las Pinas Police na gagawin nila ang lahat upang ma-recover ang motorsiklo.

Ayon kay BGen. Pespes, pansamantalang ipinasa sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Las Piñas ang 15-anyos na suspek pero kasama sa kakasuhan ng robbery, frustrated homicide at carnapping sa piskalya.

AUTHOR PROFILE