Checkpoint File photo ng checkpoint. Source: PNA

PNP checkpoint malupit lang sa nakamotor

December 27, 2021 People's Tonight 1242 views

TulfoHINDI raw makatarungan at napakalupit daw ng mga pulis sa mga nagmomotorsiklo dahil tingin nila sa lahat ng mga sakay ng motor ay mga kriminal pag dumaan sa PNP checkpoints.

Ilang sumbong na ang nakarating sa akin, at mismong galing sa aking mga staff, na parang kriminal ang trato ng mga pulis sa mga may dala ng motor kapag napadaan sa checkpoints ng pulis lalo na sa gabi.

Nariyan ang sumbong na, bukod sa pinabubuksan ang mga “carrier” ng kanilang motor at paghingi ng kanilang mga lisensya at at rehistro, kinakapkapan pa sila na para bang may dala silang mga armas o droga.

Ang tanong nila sa PNP, kailangan bang sumailalim sila sa ganung katinding inspeksyon? Bakit daw ang mga nakasakay sa mga kotse o four-wheel vehicles ay hindi naman dumaranas ng ganitong uri ng inspeksyon kahit pa mukha raw mga hoodlum ang sakay o mga lasing na?

At kapag kotse ang dumaan sa inspeksyon, “visual search” lang ang ginagawa ng mga pulis sa sasakyan at hindi na pinapababa ang driver at kinakapkapan o pinabubuksan ang mga trunk ng nasabing sasakyan.
Hindi rin daw hinihingi ang lisensya o rehistro ng driver?

Bakit nga ba PNP Chief Gen. Dionardo Carlos? Di ho ba tila unfair at hindi nga makatarungan ang nasabing aksyon ng mga pulis? Kapag motor ang dumaan sa checkpoint, katakot-takot daw ang dinaranas na inspeksyon ng mga nakamotor na halos pahubarin na sila para masiguro na wala silang dalang armas. Pero kapag nakakotse derederecho lang at hindi na inaabala ng mga pulis.

Bakit nga ba DILG Sec. Eduardo Ano? Dahil ba ang mga riding in tandem at mga kriminal ay sakay lagi ng mga motor para madaling makatakas?

Aba’y kung ganito ang paliwanag hinggil sa mahigpit na inspeksyon sa checkpoints ng mga nakamotor, hindi ba’t ito ay diskriminsayon? Porket naka-motor ay baka kriminal na? At mga de kotse ay matino ang pagkatao?

Hindi ba sapat na lisensya at rehistro na lang ang ipakita ng mga riders? Kailangan bang kapkapan pa talaga ang mga de motor?

Ang tanong ko naman kina Gen. Carlos at Sec. Ano, nabawasan po ba mga bossing ang mga riding in tandem, gun for hire, at mga holdaper dahil sa matinding inspeksyon sa mga checkpoint ng PNP sa mga nakamotor? Hindi naman di ba???

Mainam siguro na pag-aralan o baguhin ang sistemang ito kasi malinaw pa sa sikat ng araw na ito ay diskriminasyon sa mga nakasakay sa motor. Hindi po ibig sabihin na kapag nakasakay sa motor ay masasamang loob na.

Dapat siguro ay silipin na rin ng Commission on Human Rights (CHR) ang sinasapit ng mga nakamotor sa mga checkpoints ng pulisya sa buong bansa dahil nalalabag ang kanilang karapatang pantao. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE