Allan

‘Stop the hate’

May 27, 2024 Allan L. Encarnacion 143 views

SINO ba naman sa atin ang walang kaibigang Filipino-Chinese magmula pa sa ating pagkabata?

Kahit ano pang sabihin natin, ang mga Tsinoy ay bahagi na ng ating komunidad. Mula pa sa aking kamusmusan, ang mga binebentahan ko ng bote-diyaryo-garapa ay mga purong Chinese pa noong mga dekada 70.

Katunayan, ang Chinatown sa Binondo ang oldest Chinese community sa buong mundo kahit marami nang China town ang nagsulputan sa iba’t ibang bansa.

Kailangang malinaw na ang hindi pagkakaintindihan ay doon lamang sa teritoryo ng katubigan sa pagitan ng mga Pinoy-Tsina, Vietnamese, Malaysia at Taiwan. Wala dapat itong kinalaman sa pagkatao, hindi dapat pumasok dito ang anumang pagtatanim ng galit sa kahit kaninong lahi.

Ang anumang katubigan, kagubatan at kabundukan ay hindi nilikha ng Panginoon para maging harang, bagkus ay dapat siyang magsilbing tulay sa lahat ng bansa.

Hindi makabubuti sa kanino man ang mistulang “Chinese hate” or “Pinoy hate” na gustong mangyari ng ibang sektor.

Naniniwala akong hindi nakatutulong ang pagsisindi ng galit saanmang panig.

Kailangan lang nating bumalik sa drawing board at muling buksan ang pag-uusap ng mga bansang kasama sa usapin.

Wala dapat sa equation ang gulo, wala dapat sa option ang digmaan.

****

Nagpaparamdan na raw ng pakikipag-usap si Russian President Vladimir Putin sa kagiyera niyang Ukraine.

Bagama’t marami ang duda dito, maganda na ring senyales ito kung kahit paano ay bumait si Putin.

Habang sa kabilang banda naman, ang Israel at Palestine ay patuloy sa kanilang digmaan. Katunayan, nagpaulan na naman ang Israel sa Gaza nitong lang isang araw.

Kailan ba kayo magsasawa sa putukan at bombahan?

Wala namang nanalo sa giyera, lahat ng sumasali sa anumang digmaan ay parehong talo.

Kaya nga dito sa atin sa Asya, huwag naman sanang sindihan ang anumang uri ng digmaan. Nakita na natin ang sitwasyon sa Ukraine, sa Russia, sa Gaza at sa Israel; dapat may natutunan na tayo rito. Walang kinikilalang kasarian o uri ng tao ang giyera, lahat ng babae, bata, matanda at lalaki ay biktima.

Doon pa rin tayo sa mapayapang sibilisasyon, doon pa rin tayo sa isang mundo na pinaghaharian ng mga mabubuting tao.

Peace on earth and goodwill to all men.

[email protected]