Pinutakte tayo ng ’Fls’

January 17, 2022 Joey C. Papa 230 views

JoeyTila hindi nakitang anino sa gitna ng dilim ang lumukob sa Kamaynilaan at kalapit-lalawigan nito pagkaraan ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Marami agad ang nagkalagnat, sipon, ubo, sakit ng lalamunan na pangkaraniwang tinatawag ng mga duktor na ”trangkaso.”

Ngunit mula nga nang dumapo sa atin ang pandemic hindi na tinatanggap ang salitang trangkaso.

Masamid nga lang at maubo ay covid 19 na.

Mabahin o mahatsing ay covid na,

Mapasinga lang ng kaunti dahil may kaunting sipon, covid 19 na.

Kaya pagkatapos ang mga pagkikita ng mga pamilya nitong Kapaskuhang 2021 at Bagong Taon, maraming pamilya na ang kumukonsulta sa mga nararandaman nilang tila trangkaso o flu-like symptoms (fls).

Sabi ng isang kaibigan kong duktor, dahil pami-pamilya ngayon ang tinatamaan ng sakit na tila covid, tanggapin na natin na covid 19 nga ito at kaagad na mag-isolate at magpahinga at kumain ng masusustansyang mga pagkain at bitamina. Ito’y upang huwag nang lumawak pa ang hawahan sa loob ng bahay,

Lagi namang tama ang sinabi ng duktor kahit na wala pang pandemic ay ganoon ang patakaran sa mga kabahayan na may kaluwagan na lamang.

Ngunit ang malupit ngayon, pagkatapos nang hambalos ng bagyong Odette na isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa ating bansa, sinundan naman ito ng hagupit ng “Omicron” covid variant.

Ginamit ko lang ang salitang Omicron noong marami nang nagkakasakit pagkaraan ng Kapaskuhan dahil noon ay hindi pa tukoy ng Philippine Genome Center kung may nakapasok na ngang Omicron sa bansa,

Ibig sabihin, pati mga eksperto sa kalusugan ay hindi pa alam ang pamamahala sa dumami na sakit sa mga kabahayan kaya ang masasabi na lang nila ay huwag lalabas at magkulong sa kuwarto at uminom ng ganito at ganoong gamot at pagkain,

Hindi ba nagkaroon na ng panic buying sa mga gamot sa lagnat, ubo at kung ano-ano pang may kinalaman sa trangkaso? Naubusan ng paracetamol! Ang haba ng pila sa mga tindahan ng gamot!

Ngunit kung babalikan natin ang mga araw bago ang Kapaskuhan, kahit bumaba na ng husto ang kaso ng covid 19 sa bansa at ibinaba na sa Alert Level 3, sumisilip na ang Omicron variant sa ating bansa na nagmula sa mga taong naggaling sa South Africa.

DI PA TAYO NAG-INGAT?

Ayun, nagluwag tayo ng husto! Party kabi-kabila. Punta sa beach resorts at kung ano-ano pang pagsasaya na nagmistulang wala nang pandemic o wala nang virus sa Pilipinas. party ng magkakaibang pamilya, walang social, physical distancing at ang ilan ay wala nang face mask!

Maluwag ang pangyayaring ito dahil maging ang mga sanggol ay tinamaan ng “flu-like symptoms (fls) na ito.

Mabilis ang hawahan. Marami akong kaibigan na silang lahat sa bahay ay nagkasakit ng fls. Maraming naiwang trabaho at mga negosyo,

Maraming apektado dahil di makapasok ang mga kawani, empleyado ng pribado at pampublikong tanggapan.

Ang tanong ko lang ay bakit nagluwag? Dahil ba sa ekonomya?. Nakatulong ba talaga ang pagluluwag sa ekonomya? (bangonkalikasan@yahoo.com)

AUTHOR PROFILE