MIAA Ang meeting ng MIAA at mga housekeeping at pest control services contractors sa NAIA. SOURCE: MIAA

Pest control contractors sa NAIA may ultimatum

March 5, 2024 Jun I. Legaspi 111 views

BINIGYAN ng ultimatum ni MIAA General Manager Eric Ines ang kanilang housekeeping at pest control service contractors upang tupdin ang nilalaman ng kanilang kontrata o tuluyan nang ma-ban sa mga bidding para sa serbisyo sa paliparan.

Ginawa ni Ines ang babala sa pulong ng terminal administrators, service contractors, at health experts mula sa Bureau of Quarantine at MIAA Medical kasama si GM Ines para rebisahin ang kasalukuyang sanitation services sa lahat ng terminal ng Ninoy Aquino International Airport.

Inatasan ang terminal Administration groups na magdeploy ng dagdag na inspectors upang i-monitor at i-supervise ang trabaho ng kanilang mga contractors at i-re-evaluate ang pagiging epektibo ng kasalukuyang housekeeping at pest control SOPs kasabay ng pagtaas ng tao at pagbabago sa kondisyon sa loob ng mga terminal.

Nakatakda ring rebisahin ng MIAA ang Terms of Reference (TOR) para sa service contracts, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas mahigpit at mas mataas na mga penalty para sa liquidated damages.

Ang mga contractor naman ay inatasang magsumite ng weekly at monthly commitments sa mga nagawa nilang trabaho, pagbuo ng immediate response mechanism sa pamamagitan ng close coordination sa pagitan ng contractors at MIAA management.

Kasabay ng pagkadismaya sa mga peste at insekto sa Terminals 2 at 3, nilinaw ng airport chief, na ang ultimatum ay paalala para sa accountability clauses sa kanilang service agreements sa MIAA.

“Mag-eexpire na ang kontrata niyo, hindi ko lang hindi iri-renew. Iblablacklist ko pa kayo,” saad ni Ines.

Bilang ganti, nangako ang mga contractor na itaas ang frequency ng surveillance at disinfection, dagdagan ang kanilang manpower deployment upang matiyak ang round-the-clock response, itaas ang visibility, at irekomenda ang work program para sa mas malawak na impact sa cleaning at disinfection methods nang hindi naapektuhan ang seat availability.

Nakatakda namang makipagkita si Ines sa mga concessions heads para masuri ang monitoring schedule ng business concessions at pagiging epektibo ng kanilang punitive measures laban sa mga lumalabag sa terms and conditions ng kanilang kontrata sa MIAA.

Inatasan din ni Ines si Senior Assistant General Manager, Ms. Beng Reyes, na buhayin ang Inter-Agency Coordinating Committee (IACC) kung saan siya ang Chairperson.

Ang IACC ay monthly meeting sa pagitan ng MIAA at airport agencies mula sa private at public sectors.

AUTHOR PROFILE