Default Thumbnail

Chinese nat’l nakipagbarilan sa mga pulis, sugatan, timbog

March 5, 2024 Edd Reyes 65 views

SUGATAN ang 25-anyos na Chinese national ng makipagbarilan sa mga pulis na umaresto sa kanya noong Lunes sa Taguig City.

Ligtas na sa kamatayan si alyas Yuzi, ng Brgy. Tambo, Paranaque City, makaraang maisugod sa St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC) dahil tama ng bala sa likod.

Sa ulat ni Taguig police chief P/Col. Robert Baesa kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, aarestuhin ang suspek dahil sa mga kasong paglabag sa Art. 318 ng RPC o panlilinlang, Resistance and Disobedience to an Agent of Person in Authority at Unjust Vexation sa kanyang tinutuluyang condominium sa Makati City.

Dakong alas-8:30 ng gabi ng matiyempuhan si Yuzi sa kanto ng 2nd St. at 31st Avenue, BGC sakay ng isang Montero SUV. Pero nang isisilbi na ang warrant of arrest, tumakas at nakipagpalitan siya ng putok sa mga pulis.

Umabot ang habulan at palitan ng putok sa pagitan ng dayuhan at mga pulis hanggang Bus Depot, Zamora Circle sa 31st Avenue bago nahagip ng bala sa likod ang suspek pagsapit sa may Bonifacio Technology Building.

Ayon kay Col. Baesa, ilang mga establisimiento ang tinamaan ng bala sa palitan ng putok.

Lumabas din sa report nina P/Cpl. Bhoy Rivera ng Taguig Investigation and Detective Management Section (IDMS) at P/MSg Anthony Manuel ng Luzon Field Unit Operatives ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na sangkot din sa pagdukot ng kanyang kababayan si Yuzi noong Disyembre 22, 2023, bukod pa sa reklamo laban sa kanya na naihain na sa Department of Justice (DOJ).

AUTHOR PROFILE